Pacquiao dedma muna sa intriga
BAGUIO CITY, Philippines - Sa gitna ng mga intriga, nakatutok pa rin si Filipino Boxing superstar Manny Pacquiao sa kanyang three-week high-altitude training dito sa Baguio.
Tinawanan lamang ni Pacquiao, nasa kanyang ikalawang araw ng pagpapakondisyon, ang usap-usapan hinggil sa kanyang pambababae matapos mag-alok ang kanyang asawang si Jinkee ng Hermes bag sa sinumang makakapagpatunay na totoo ang nasabing tsismis.
Noong nakaraang taon ay naging maugong ang sinasabing relasyon ni Pacquiao kay Krista Ranillo matapos magkalapit mula sa ginawa nilang pelikula.
“Grabe naman,”sabi ni Pacquiao matapos ang pagtakbo sa Sta. Lucia Subdivision. "Let's not talk about that."
Ayon sa boxing sensation, gumagawa ng pelikula at kasalukuyang may game show, hindi muna siya gagawa ng pelikula habang nagsasanay.
Ito ay kahit na may bulung-bulungan na itatambal siya kay General Santos City personality at Miss Universe 3rd runner-up Shamcey Supsup.
“Lie low muna sa movies,” sambit ni Pacquiao. “But it will be a privilege to be with her. She is beautiful and I'm proud that she is also from Mindanao like me.”
Pinaghahandaan ni Pacquiao ang kanyang pangatlong laban kay Mexican Juan Manuel Marquez na nakatakda sa Nobyembre 12 sa MGM Grand in Las Vegas.
Samantala, hindi pa rin nakakapasok ang mga local mediaman sa gym na pinagsasanayan ni Pacquiao at ang tanging pinapayagan lamang na makapasok ay ang mga tv crew ng HBO at ang crew ng isang local network.
- Latest
- Trending