Heavy Bombers, Pirates humigpit pa ang kapit para sa No. 4 slot sa F4
MANILA, Philippines - Humigpit pa ang bakbakan para sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four nang magsipanalo ang Jose Rizal University at Lyceum sa 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagsalitan sina Jeckster Apinan, Raycon Kabigting at Nate Matute sa pangunguna sa opensa ng koponan mula ikalawang yugto habang solido naman ang kanilang depensa upang makuha ng Jose Rizal University ang ikatlong sunod na panalo at kabuuang 6-9 baraha.
Sa ikatlong yugto tuluyang bumulusok ang opensa ng Heavy Bombers at ang 17-5 palitan ang naglayo sa koponan sa 60-44.
“Gaya ng sinabi ko noon, ang depensa namin ang aming pinakamagandang opensa. Akala ko ay bababa ang laro ng mga bata matapos ang malaking panalo sa San Beda pero alam nila ang kahalagahan ng bawat game sa paghahabol sa Final Four,” wika ni JRU coach Vergel Meneses.
Si Apinan ay tumapos taglay ang 17 puntos, 10 rebounds at 3 steals habang sina Kabigting at Matute ay mayroong 14 at 11 bukod pa sa tig-dalawang tres.
Nauna namang nagpasikat ang Pirates nang bumangon ang koponan mula sa 10 puntos paghahabol, 57-67, tungo sa 77-73 panalo tungo sa 6-9 win-loss slate.
Hiniritan ng pressing defense ng kulang sa taong Pirates ang Generals para maibalik ang sarili sa laban.
Ang tres ni Gian Mallari may 42 segundo sa orasan ang bumasag sa huling tabla sa 70-all bago kumana ng magkasunod na free throws sina Jhygruz Laude at Floricel Guevarra para kunin ang 77-70 bentahe.
Dahil sa mga panalong ito, ang Jose Rizal at Lyceum ay kapos na lamang ng kalahating laro sa nasa ikaapat na Mapua para matiyak na magiging kapana-panabik ang sunod na mga laban sa liga.
- Latest
- Trending