MANILA, Philippines - Wala man si Tim Cone sa bench ng Alaska ay hindi naman ito mangangahulugan na ibang istilo ng laro ang makikita sa Aces sa pagsisimula ng Philippine Cup na magbubukas na sa Oktubre 2 sa Araneta Coliseum.
Ang triangle offense na pinasikat ni Cone sa kanyang dating koponan ang siya pa ring tampok na opensa na matutunghayan kahit si Joel Banal na ang uupo bilang head coach ng Aces.
“My style is a combination of structure and unstructured systems,” wika ni Banal na naupo rin bilang isa sa assistant coaches ni Cone.
Bakit nga naman agad na babaguhin ni Banal ang nasabing sistema gayong naghatid ito ng 13 PBA titles sa prangkisa upang matablahan ang Crispa Redmanizers sa paramihan ng titulong napanalunan sa professional league.
Sina LA Tenorio, Cyrus Baguio, Sonny Thoss, Tony De La Cruz, Mark Borboran, Samigue Eman at Brandon Cablay ang aasahang manlalaro ni Banal dahil ang mga ito ang siyang nagtulung-tulong nang nanalo ang Aces noong 2009 Fiesta Cup.
Makakasama ng mga ito ang mga second year players na sina Jay-R Reyes, Paolo Bugia, Wesley Gonzales at Bonbon Custodio bukod pa sa mga baguhang sina Mac Baracael, Eric Salamat, Julius Pasculados at Ariel Mepana.
Tiwala naman ang mga manlalaro sa pangunguna ni Tenorio sa kakayahan ni Banal na igiya ang koponan sa kampeonato sa unang PBA conference sa 2011-12 season.
“With coach Joel, it’s practically the same system. He’s been coach Tim’s assistant for many years so adjusting is not hard for us,” wika pa ni Tenorio.
Puspusan ang pagsasanay ng Aces sa bagong coach at determinado ang koponan sa hangaring kampeonato sa All-Filipino Cup.
Bubuksan ng Aces ang kampanya sa 37th season sa pagbangga sa Barangay Ginebra sa Oktubre 9.
Pero ang tiyak na tututukan ng PBA fans ay ang laro ng Aces sa Oktubre 12 laban sa B-Meg Llamados na kung saan lumipat si Cone.