WUHAN--Ipinamalas ng Smart Gilas Pilipinas kung gaano kalakas ang koponan kapag naglaro ng buong puwersa nang kanilang talunin ang Jordan, 72-64, sa pagsisimula ng second round elimination sa 26th FIBA Asia Men’s Championship kahapon dito.
Sina Marcio Lassiter at Chris Lutz ay pinahintulutan na ring makapaglaro sa koponan at tinulungan nila ang mga dating kamador ng koponan para masungkit ang 2-1 karta sa Group F.
May 14 puntos si Lassiter kasama ang apat na tres para masuportahan ang 19 puntos at 15 rebounds na ginawa ni naturalized player Marcus Douthit.
Si Jimmy Alapag ay mayroong 11 puntos at sila ni Lassiter ay nagtambal sa limang tres sa second half dahilan upang makumpleto ang pagbangon ng Gilas mula sa 16 puntos pagkakalubog sa first half.
“It’s not normal and only players with a big heart can win in our situation. Our players have to be commended,” wika ng Gilas Serbian coach Rajko Toroman.
Naunang idineklara ng FIBA-Asia bilang naturalized players sina Lassiter at Lutz pero umapela ang SBP sa pangunguna ng pangulong si Manny V. Pangilinan sa FIBA na binaligtad naman ang naunang desisyon.
Ang mga tres nina Lassiter at Alapag ay nakatulong para lumayo sa 59-51 ang Pilipinas pero hindi agad bumigay ang Jordan na dumikit sa 64-66.
Ngunit gumawa ng anim na free throws sina Chris Tiu at Kelly Williams para selyuhan ang tagumpay.
Haharapin naman ngayon ng Pilipinas ang Japan at kung manalo uli ay sosolido ang hangaring malagay sa ikalawang puwesto sa kanilang grupo.
Ang mangungunang apat na koponan sa Group E at F ay aabante sa crossover knockout quarterfinals.
Smart-Gilas 72 - Douthit 19, Lassiter 14, Alapag 11, Tiu 9, Williams 6, Lutz 4, de Ocampo 4, Casio 3, Taulava 2, Barroca 0, Aguilar 0, Baracael 0.
Jordan 64 - Daghles 18, Wright 16, Abbas Z. 10, Abuqoura 7, Abbas I. 6, Al-Sous 5, Jamal 2, Soobzokov 0.
Quarterscores: 11-20; 26-31; 47-47; 72-64.