Adducul at Allado
Don Carlos Allado sa Barako Bull at Rommel Adducul sa Powerade.
Dalawang sentrong nasa dapithapon na ng kani-kanilang careers bilang mga professional basketball players ang mabibigyan ng pagkakataong patunayan na mayroon pa silang ibubuga.
Sina Allado at Adducul ay mga dating manlalaro ng B-Meg Llamados.
Kahit paano, kapag nabibigyan sila ng kaunting playing time noong nakaraang season ay nakakatulong sila. Kasi nga, kulang sa big men ang Llamados noong nakaraang taon dahil injured sina Kerby Raymundo, Raffi Reavis at Rico Maierhofer.
Ang pagkawala ng tatlong manlalarong ito ay malaking bagay ay isa sa dahilan kung bakit nahirapan ang Llamados sa tatlong torneo kung saan nabigo silang makarating sa Finals.
Ang kabiguang iyon ang dahilan kung bakit tinanggal sa pagiging head coach si George Gallent na pinalitan ng beteranong si Tim Cone.
Well, ngayong babalik na sina Raymundo, Reavis at Maierhofer, medyo kalabisan na nga naman sina Allado at Adducul. Kasi, may Marc Pingris at Joe Devance pa na puwedeng asahan ang B-Meg.
Si Allado ay ipinamigay ng Llamados sa isang three-way trade na kinasangkutan din ng bagong team na Shopinas Clickers. Nakuha ng Llamados na kapalit ang point guard na si Mark Barroca, isang rookie na galing sa Smart Gilas Pilipinas. Ipinamigay naman ng Barako Bull si Elmer Espiritu na nasa Shopinas na kasama ang draftee ng B-Meg na si Brian Ilad.
Makakatulong talaga si Allado sa Barako Bull. Pinatangkad niya ang team dahil sa makasama niya dito sina Mick Pennisi, Dorian Peña at dating kakampi sa B-Meg na si Jondan Salvador. Alam naman ng lahat kung ano ang history ni Allado.
Ilang kampeonato din ang naibigay ni Allado sa La Salle Green Archers sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP). At sa kanya ibinase ang Don Allado rule ng liga na nagsasaad na hindi puwedeng lumahok sa PBA Draft ang isang active UAAP player kundi’y hindi na siya palalaruin pa.
Ito’y nangyari nang kunin siya ng Alaska Milk sa Draft subalit hindi pinapirma agad at sa halip ay tinapos muna niya ang huling season sa UAAP bago tuluyang umakyat sa PBA. So, ganoong kaimportanteng manlalaro si Allado noong bata pa siya.
Kaya naman tiwala si Barako Bull coach Edmundo “Junel” Baculi sa kanyang kakayahan at hindi nag-atubili na kunin siya sa trade at ipamigay ang mas batang si Espiritu.
Si Adducul, ayon sa mga balita, ay hindi na nire-release ng B-Meg kahit parang hindi na nga ito kailangan ng Llamados. Pero kung ire-release siya ng Llamados ay kukunin siyang tiyak ng Powerade dahil sa kursunada siya ni coach Dolreich “Bo” Perasol. Kulang kasi sa big men ang Tigers noong inakaraang season matapos na ipamigay si Paul Asi Taulava sa Meralco Bolts.
Hindi na bumabata pa si Dennis Espino, samantalang hindi naman talaga legit center si Rob Reyes. Kinuha na ng Tigers si Alex Crisano pero kailangan pa nila ng karagdagang sentro at magagamit nila for sure ang karanasan ni Adducul.
Hindi na rin naman magtatagal ang career ni Adducul sa PBA pero sa mga nalalabi niyan taon, kahit paano’y may mapipiga pa sa kanya. Gaya ni Allado ay champion itong si Adducul in all levels. Limang kampeonato ang naibigay niya sa San Sebastian Stags sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) bago siya nagtungo sa MBA at sa PBA.
Magandang makita na sina Adducul at Allado ay magkakaroon ng mahaba-habang playing time. Kaya pa naman nila, e!
- Latest
- Trending