MANILA, Philippines - Pinadapa ni World No.1 Dennis ‘Robocop’ Orcollo si Wu Jia Qing (dating si Wu Chia-ching) ng China, 10-5, para umabante sa finals ng 11th Predator International 10-Ball Championships kahapon sa Robinson's Galleria sa Ortigas.
Kaagad na kinuha ni Orcollo, ang kasalukuyang World 8-Ball champion, ang 5-1 bentahe hanggang makadikit si Wu sa 8-5.
Ang kabiguan ni Wu na makuha ang 14th rack ang nagresulta sa pag-angkin ni Orcollo sa dalawang lamesa.
Umaasa si Orcollo na muling makokopo ang titulo ng torneo na kanyang sinikwat noong 2009 sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Binigo ni Orcollo si Ralf Souquet ng Germany, 8-3, sa finals ng 2009 Predator 10-ball.
Makakalaban ng tubong Bislig, Surigao del Sur sa finals si Mika ‘The Iceman’ Immonen ng Finland.
Tinalo ni Immonen sa semis si Liu Haitao ng China, 10-9.
Bago makapasok sa semis kontra kay Wu, giniba muna ni Orcollo si Ramil Gallego, 10-3, sa quarterfinals.
Binigo naman ni Wu ang dating kampeong si Efren ‘Bata’ Reyes, 10-9, at panalo si Immonen kay Roberto ‘Pinoy Superman’ Gomez, 10-7, at lusot rin si Liu kontra kay Philipp Stojanovic ng Croatia, 10-8.