MANILA, Philippines - Kinumpleto ng FEU ang dominasyon nila sa second seed na Adamson nang iuwi ang 78-74 panalo sa deciding game ng 74th UAAP Final Four kahapon sa Araneta Coliseum.
Ang off the bench player na si Cris Tolomia ay nagtala ng 19 puntos, 6 rebounds at 4 assists kasama pa ang tatlong tres ngunit ang tatlong offensive rebounds sa huling 51 segundo ang siyang tuluyang kumitil sa Falcons upang makabalik ng Finals ang Tamaraws at muling kakaharapin ang napahingang Ateneo.
Lumayo sa 11 ang Tamaraws sa lay-up ni RR Garcia, 70-59, papasok sa hluing tatlong minuto ngunit nag-init si Jerick Cañada at nagpakawala ng 10 puntos, kasama ang magkasunod na tres para idikit sa tatlo ang Falcons, 74-71.
Gumawa ng jumper si Aldrech Ramos pero tumugon ang Adamson ng tatlong freethrows mula kina Eric Camson at Alex Nuyles para lumapit sa dalawa ang Adamson, 76-74, may 51.2 segundo.
Dito nakita ang lakas sa rebounding ng FEU dahil sa tatlong offensive rebound upang mapawi ang mga naunang sablay nina Romeo at Tolomia.
Ang huling offensive rebound ay nakuha ni Tolomia at agad nito ipinasa ang bola kay Romeo na binigyan ng foul ni Nuyles dahil apat na segundo na lamang ang nalalabi sa oras.
Isinalpak ni Romeo ang dalawang buslo bago sinaksihan ang kapos na tira ni Lester Alvarez sa tres para makumpleto ang pagtabon ng Tamaraws sa tangan na ‘twice-to-beat’ advantage ng Falcons.
Ang rematch ng Finals noong 2010 sa pagitan ng Ateneo at FEU ay magsisimula sa Sabado, habang ang Game Two ay itinakda naman sa Setyembre 27.
Ang Game Three kung kakailanganin ay sa Oktubre 1 gagawin.
FEU 78 – Tolomia 19, Romeo 15, Garcia 11, Escoto 10, Ramos 10, Cruz 8, Exciminiano 5, Bringas 0, Knuttel 0, Pogoy 0.
AdU (74) – Cañada 14, Camson 13, Nuyles 12, Alvarez 9, Lozada 9, Colina 8, Manyara 4, Petilos 3, Brondial 2, Cabrera 0.
Quarterscores: 18-14; 33-35; 57-50; 78-74.