WUHAN--Habang hinihintay pa ang clearance para kina Marcio Lassiter at Chris Lutz, tinalo ng Smart Gilas Pilipinas ang Bahrain, 113-71, sa 26th FIBA Asia Championship kahapon dito.
Si Japeth Aguilar ang nanguna sa ratsada ng Nationals sa third quarter sa kanilang paggupo sa mga Bahrainis matapos mabigo sa mga Chinese noong Biyernes
Dadalhin ng Smart Gilas, giniba ang United Arab Emirates, 92-52, noong Huwebes, sa second round ang 2-1 win-loss record sa kanilang pagharap sa Japan, Jordan at alinman sa Syria o Indonesia.
Kailangan nilang manalo ng dalawa upang makaiwas sa powerhouse squad sa knockout plays.
“We used today’s game to help our players get ready for the next round. We’re not 100 percent battle-ready at this time, and I told the players to try to catch up,” sabi ni Smart Gilas coach Rajko Toroman.
Bago ang laro laban sa Bahrain ay isinumite ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa FIBA World ang mga dokumento na maaaring magpalaro kina Lassiter at Lutz.
Itinampok naman ng mga Bahrainis si dating La Salle Green Archer Bader Malabes.
Sa iba pang laro, kinumpleto ng Japan ang isang three-game sweep sa Group C matapos talunin ang Syria, 77-55.