MVP makikipag-usap kay Hagop para kina Lutz, Lassiter
MANILA, Philippines - Makikipagpulong si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manny V. Pangilinan kay FIBA Asia deputy secretary-general Hagop Khajiran patungkol sa problemang kinakaharap nina Fil-Ams Marcio Lassiter at Chris Lutz na hindi pa nakakalaro sa 26th FIBA Asia Championships sa Wuhan, China.
Dumating si Pangilinan kahapon at kumbinsidong maisasaayos ang problema nang ideklara sina Lutz at Lassiter na mga naturalized players ng bansa.
Ang pagpupulong ay idinaos bago ang laro ng Pilipinas at China kagabi.
Ikinagulat ng SBP ang ibinabang desisyon ni Hagop dahil sina Lutz at Lassiter ay naglaro na sa Pilipinas sa Asian Games.
Base sa 1987 Philippine Constitution, sina Lutz at Lassiter ay mga Pinoy dahil ang kanilang ina ay isang Filipina.
Naniniwala ang SBP na kung mapapaliwanagan ng maayos si Hagop ay maiintindihan niya ang batas ng bansa.
Ang Gilas na nanalo sa UAE sa unang laro ay sasabak sa Bahrain sa pagtatapos ng elimination round sa Group D sa ganap na alas-11 ng umaga.
Tiniyak naman ni Serbian coach Rajko Toroman na lalaban nang husto ang Gilas maglaro man o hindi sina Lutz at Lassiter dahil hangad nilang bigyan ng karangalan ang bansa.
- Latest
- Trending