Pumaren nag-resign na sa La Salle
MANILA, Philippines - Nagbitiw na bilang head coach ng La Salle si Dindo Pumaren.
Kasama niyang umalis sa koponan ang mga assistants na sina Jack Santiago, Tonichi Yturri at Lawrence Yulo matapos mabigo sa hangaring maibalik sa Final Four ang Archers.
Nasa ikalawang taon pa lamang si Pumaren ngunit napilitan siyang magbitiw dahil sa tinamong 5-9 karta lamang ng Archers sa panahong marami ang nagsasabing mas malakas ang kanilang lineup kumpara sa 2010 season.
Kumubra ng 8-6 karta ang Archers sa unang taon ni Pumaren noong 2010 at umabot sa Final Four pero nasibak sila sa kamay ng FEU.
Tinanggap naman ng pamunuan ng La Salle ang resignation ng mga coaches sa kanyang ipinalabas na statement.
Napasok si Pumaren na dati ay coach din ng UE nang magbitiw ang nakatatandang kapatid na si Franz matapos ang 2009 season.
Samantala, magpapasikatan ang walong paaralan sa cheering sa gagawing 2011 UAAP Cheerdance Competition ngayon sa Araneta Coliseum.
Ganap na alas-3 ng hapon itinakda ang tagisan at ang UP Pep Squad ang magbabaka-sakaling mapanatili ang titulong napanalunan noong nakaraang taon.
Tinalo ng UP ang FEU at UST noong 2010 dala ng magandang pagsayaw gamit ang temang “Hala Bira”.
Mapapalaban ang State University dahil lahat ng mga kasali ay tiyak na naghanda sa kanilang presentasyon sa pangunguna nga ng UST gamit ang Salinggawi Dance Troupe na magsisikap na dagdagan ang hawak ng walong titulo pero ang huling titulo ay nakuha noon pang 2006.
Hindi rin pahuhuli ang host Ateneo na balak na kunin ang kauna-unahang cheerdance title sa panahong sila ang punong abala ng liga.
Ang La Salle, National University, UE at Adamson ang iba pang kasali na magiging palaban din sa kampeonato.
Namuro naman ang Adamson University sa posibleng ikatlong sunod na titulo sa UAAP women’s basketball nang hiritan ang UST ng 53-45 panalo sa Final Four kahapon sa Blue Eagle Gym.
Humablot ng 26 rebounds kasama ang 4 blocks at 11 puntos si Anna Buendia habang nangungunang 15 puntos at 13 boards naman ang ginawa ni Snow Penaranda para pangunahan ng number two seeds na Lady Falcons ang kanilang dominanteng laro at maunang makapasok na sa championship round.
Humirit naman ang fourth seeds La Salle ng rubbermatch sa top seed Far Eastern Univesity sa pamamagitan ng 57-54 tagumpay sa isa pang laro.
- Latest
- Trending