Smart Gilas pinadapa ang UAE
WUHAN, China, - Madaling kinuha ng Smart Gilas Pilipinas ang kanilang unang panalo matapos ilampaso ang United Arab Emirates, 92-52, sa pagsisimula ng 26th FIBA-Asian Men’s Championships dito kagabi.
Matapos kunin ang isang 19-point lead, 41-22, sa halftime ay hindi na nilingon pa ng Nationals ang UAE patungo sa kanilang tagumpay.
Bumandera para sa Smart Gilas si 6-foot-11 naturaized Marcus Douthit at mga PBA players na sina Asi Taulava, Kelly Williams, Jimmy Alapag at Ranidel De Ocampo.
Samantala, nakatakdang labanan ng Smart Gilas ang China ngayong alas-8 ng gabi.
Sakaling manaig ang Nationals sa Chinese, papasok sila sa second round ng nasabing Asian meet na nagsisilbing regional elimination para sa isang silya sa 2012 London Olympic Games.
“I’ve got some DVDs of their games in London versus Great Britain and Croatia. They don’t look exciting. They are hit by injuries,” ani Serbian coach Rajko Toroman sa China. “They have quality players like Wang Zhizhi, Yi Jianlian and Sun Yue, but they have a problem at the point guard spot. That’s their weakness.”
Natsambahan ng RP Team ang China sa Tokushima, Japan noong 2007. Ito ay sa first round ng group stage at sa consolation round.
Kinuwestiyon naman ni FIBA-Asia deputy secretary general Hagop Khajirian ang eligibility nina Fil-Ams Marcio Lassiter at Chris Lutz sa team managers meeting noong Miyerkules.
Wala pang sagot ang FIBA general headquarters sa Geneva, Switzerland ukol sa hinihinging clarification ng Smart Gilas.
Sa mga unang laro, pinadapa ng Jordan ang Syria, 71-58; tinalo ng Iran ang Chinese, Taipei, 49-37; at isinalya ng Korea ang Malaysia, 89-42. (RC/NB)
- Latest
- Trending