MANILA, Philippines - Umusad na sa championship round ang Ateneo pero naiwan pa ang Adamson nang dumanas ng magkaibang kapalaran ang dalawang nangunang koponan sa pagsisimula kahapon ng 74th UAAP men’s basketball Final Four sa Araneta Coliseum.
Gumawa ng apat na sunod na free throws sina Justin Chua at Nico Salva bago sumablay si Justin Fortuna sa sana’y panablang tres para maitakas ng Eagles ang 69-66 panalo sa UST sa unang labanan.
Lumayo sa 15 puntos ang Eagles, 48-33, pero nakabalik ang Tigers at nakapanakot sa pagdikit sa 66-67 dahil sa dalawang tres ni Chris Camus at isa pa kay Jeric Teng.
Si Salva ang naglayo sa tatlo sa Eagles may 5.5 segundo sa orasan at kahit naispatan sa inbound ang libreng si Fortuna ay minalas naman na sablay ang kanyang birada.
“Our defense held up when they were starting to make the three pointers. Anytime you lose a game, it’s difficult to get the confidence back. But I think we did a good job bouncing back,” wika ni Black.
Ang panalo ay nagsantabi sa 62-46 kabiguan na nalasap ng Eagles sa Adamson sa kanilang huling laro para mapurnada ang hangaring 14-0 sweep at awtomatikong puwesto sa Finals.
May 16 puntos si Karim Abdul pero ininda ng UST ang pagkakasablay ng 11 free throws (15 of 26) para mamaalam na sa liga.
Hindi naman nasakyan ng Falcons ang momentum ng makasaysayang panalo sa Eagles nang yumuko sila sa FEU, 59-49, sa ikalawang laro.
Kontrolado ng Tamaraws ang kabuuan ng labanan pero sa ikatlong yugto sila pumukpok nang kunin ang quarter, 23-9, para hawakan ang 52-32 bentahe.
Ang malaking bentaheng ito ay sapat na upang pukawin ang panandaliang pag-iinit ni Alex Nuyles na ibinagsak ang 10 sa kabuuang 20 sa laro at 2 triples, sa 17-4 palitan para dumikit pa ang Falcons sa 56-49.
Tatlong puntos na kinatampukan ng running jumper ni Terrence Romeo ang naglayo uli sa Falcons sa 10, 59-49, habang si Nuyles ay pinabalik na sa bench may ilang minuto bago ang play na ito dala ng sprain.
May 19 puntos, 4 rebounds, 3 assists at 2 steals si Romeo habang 176 puntos naman ang ginawa ni RR Garcia upang maitakda uli ang pagkikita nila ng Falcons sa Linggo para madeteramina ang ikalawang koponan na aabante sa best of three Finals.
Ateneo 69--Slaughter 17, Ravena 13, Salva 12, Chua 9, Tiongson 5, Gonzaga 5, Monfort 4, Long 4, Golla 0, Austria 0.
UST 66--Abdul 16, Camus 13, Teng 11, Ferrer 10, Fortuna 8, Afuang 5, Tan 3, Sheriff 0, Pe 0, Lo 0, Ungria 0.
Quarterscores: 18-18, 38-30, 52-40, 69-66.
FEU 59 - Romeo 19, Garcia 16, Exciminiano 8, Ramos 7, Bringas 6, Escoto 2, Tolomia 1, Pogoy 0, Cruz 0.
AdU 49 - Nuyles 20, Camson 6, Canada 5, Alvarez 5, Brondial 4, Lozada 4, Colina 3, Manyara 2, Etrone 0, Cabrera 0.
Quarterscores: 11-9, 29-23, 52-32, 59-49.