Sana palaging manood si Sheila Lina!
Iyan ang nasabi ng mga sportswriters na nagsusulat tungkol sa mga laro ng Philippine Basketball Association.
Si Sheila, anak ni Bert Lina, ay siyang may-ari ng pinakabagong miyembro ng PBA--ang Shopinas Clickers. Magpupugay ang kanyang koponan sa 37th season ng PBA na magsisimula sa Oktubre 2 at siyempre, excited ang lahat na makita kung paano patatakbuhin ng isang babaeng team owner ang kanyang squad.
Hindi naman si Shiela ang unang babaeng team owner sa PBA.
Si Sen. Nikki Coseteng iyon.
Hindi pa nga senator si Coseteng ng pumasok siya sa PBA. Kasi nga’y sa basketball naman talaga siya namulat. Ang Mariwasa ni Emerson Coseteng ay isa sa founding members ng PBA. Kahit sa dating MICAA ay nandoon na ang Mariwasa.
Pero later on kasi, si Nikki na ang nagpatakbo ng team sa ilalim ng pangalang Galerie Dominique.Tumagal ang Mariwasa/Galerie Dominique team ng kabuuang siyam na seasons bago namaalam pagkatapos ng 1983 season.
Pero palaging nanonood si Nikki at madalas ay umuupo pa sa kanilang bench.
So, ganito rin kaya ang gagawin ni Shiela? We certainly hope so. Iba rin kasi para sa fans yung makakita ng fresh face sa liga. At babae pa. The only rose among the thorns.
Ang gusto lang nating makita ay ang maging malakas na team ang Shopinas na hahawakan ni coach Franz Pumaren na nagbabalik din sa PBA matapos na magretiro bilang manlalaro noong 1997. Matagal din siyang nawala sa PBA ha.
Pero hindi naman siya nawala sa daigdig ng basketball dahil sa hinawakan niya ang La Salle Green Archers na napagkampeon niya nang kung ilang beses sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Two years ago ay binitiwan niya ang Green Archers at ipinasa ang renda sa kanyang nakababatang kapatid na si Dindo Pumaren, isa ding dating manlalaro sa PBA. Nag-concentrate muna sa ibang bagay si Franz at nang dumating ang offer mula kay Shiela na hawakan ang Shopinas ay hindi siya nag-atubili.
Ang siste’y hindi naman nakakuha ng anumang magandang concession ang Shopinas buhat sa PBA. Ang nakuha lang nito’y ang No. 11 pick sa nakaraang Rookie Draft at minana na lang ang mga naulilang manlalaro ng Red Bull.
E, hindi rin naman malalakas na players iyon. Wala tuloy siyang superstar o marque player sa team. Kumbaga’y building from scartch ang Shopinas at hindi kaagad makapamamayagpag sa unang season nito sa pro league.
Kahit na siguro si Pat Riley ang kinuhang coach ni Shiela, wala ring magagawa sa talent na available para sa Shopinas. Kumbaga’y pagtitiyagaan ni Pumaren kung ano ang mayroon siya. Sisikapin nilang kahit paano’y hindi mabalugbog ng siyam na ibang teams. At unti-unti ay palalakasin ang kanilang koponan sa mga darating pang seasons.
Kaya nga inaasahan ng lahat na matagal-tagalnilang makikita si Shiela sa PBA games.
Hindi naman ito basta-basta papayag na hindi man lang mamayagpag!