LAPU-LAPU City - Gumanda ang tsansa ng Philippine Davis Cup team na manatili sa Group I sa Asia Oceana Zone Davis Cup sa 2012.
Hindi darating sa bansa ang dalawang mabibigat na netter ng Chinese, Taipei na siyang katagisan ng Pilipinas simula Biyernes hangang Linggo sa Plantation Bay Resorts and Spa sa Cebu sa second round ng relegation tie.
Sina Lu Yen Shun at Yang Tsung Hua ay kumakampanya sa ATP Challenger at hindi magagawang pangunahan ang Taiwanese team na kakatawanin na lamang nina Ti Chen, Jimmy Wang, Lee Hsin Han at Yi Chu Huan.
“Lahat ng puwedeng kapitalisahin ay gagawin natin. Ang venue at ang crowd ang makakatulong ng malaki para manalo tayo rito,” wika ni Philippine Davis Cup administrator Randy Villanueva.
Sina Fil-Ams Cecil Mamiit, Treat Huey at Ruben Gonzales ay makakasama ni number one Filipino netter Jeson Patrombon na ibabandera ang laban ng host team. Ang mga manlalarong ito ay nasa Cebu na para magsagawa ng pagsasanay. Ang draw ay gagawin ngayon habang ang opening singles ay sasambulat na bukas.
Angat ang home team sa Chinese, Taipei sa head to head,4-1, ngunit kinuha ng bisita ang huling tagisan noong nakaraang taon na ginanap sa Taipei sa 4-1 iskor.
Sina Mamiit, Huey at Gonzales ang mga nanguna sa koponan noong nakaraang taon at tanging si Mamiit lamang ang nanalo sa laban nila ni Chen para di mabokya ang Pilipinas.
Pero iba ang inaasahang magiging kalalabasan sa pagkikitang ito dahil ang pambato ng Pilipinas ay sariwa sa mga mabibigat na laban upang malagay sila sa magagandang kondisyon.