MANILA, Philippines - Puwesto sa finals ang nakataya ngayon sa Ateneo at Adamson sa pagbubukas ng 74th UAAP Final Four sa Araneta Coliseum.
Totodo ang laro ng mga Eagles sa pagbangga sa UST sa ganap na alas-12 ng tanghali upang makumpleto ang naudlot na misyon na makapasok na sa Finals habang inaasahang balikatan naman ang bakbakan sa pagitan ng Adamson at FEU sa ikalawang laro dakong alas-3 ng hapon.
Naunsiyami ang tropa ni coach Norman Black sa mithiing awtomatikong puwesto sa Finals sa makasaysayang 14-0 sweep sa double round elimination nang lasapin ang di inaasahang 62-46 kabiguan sa huling laro sa eliminasyon laban sa Adamson.
“You have to face adversity and it’s our time to face it,” wika ni Black.
Walang nakikitang problema si Black sa kondisyon ng pangangatawan at isipan ng kanyang bataan lalo nga’t angat na angat sila sa Tigers sa labanang ito.
Hindi pa nakakatikim ng panalo ang tropa ni Tigers coach Alfredo Jarencio sa Eagles matapos manalo ng titulo noong 2006 at ka-kailanganin ng UST ang mas mahusay na paglalaro mula sa nagbabalik mula sa suspension na si Karim Abdul, Jeric Teng, Jeric Fortuna, Chris Camus at Kevin Ferrer.
Ang 7-footer na si Greg Slaughter kasama sina Kiefer Ravena, Nico Salva, Kirk Long at Emman Monfort ang kakamada sa Eagles para marating ang ikawalong pag-usad sa Finals.
Naghati naman sa tig-isang panalo ang Adamson at FEU sa eliminasyon na patunay na magkasingsukat ang lakas ng dalawa.
Mataas ang morale ng tropa ni coach Leo Austria dala ng pagkapanalo sa Eagles upang mawakasan ang 29-game losing streak ngunit kilala ang Tamaraws na tumataas ang antas ng paglalaro kapag pumasok sa Final Four.
Sina Alex Nuyles, Lester Alvarez at Lionel Manyara ang mga batikang manlalaro ng Adamson laban sa subok nang sina RR Garcia, Aldrech Ramos at Terrence Romeo.