Pagpasok sa semis ng Bedans diniskaril ng JRU; Baste diretso sa 14
MANILA, Philippines - Nakahuli ng malaking isda ang Jose Rizal University nang pabagsakin nila ang nagdedepensang kampeon San Beda, 76-65, sa pagpapatuloy ng 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagbagsak ng tatlong tres si Nate Matute sa pagtatapos ng ikatlong yugto at pagbubukas ng huling yugto para mapanatili sa Heavy Bombers ang momentum ng laro at kunin ang ikalawang sunod na panalo at ikalima sa 14 na laro.
“Isa lang ang lagi kong sinasabi sa kanila na huwag bibigay sa depensa dahil ito ang number one opensa namin,” wika ni JRU coach Vergel Meneses na winakasan din ang tatlong dominanteng panalo ng Lions sa kanya sapul nang maupo bilang head coach noon nakaraang taon.
Isang 6-0 bomba na pinangunahan ni Garvo Lanete ang nagpalit sa Lions sa 51-54, pero kumawala ng dalawang dikit na tres si Matute para ilayo uli ang Bombers sa siyam, 60-51.
Binuksan ni Kyle Pascual ang iskoring sa huling yugto ngunit magkasunod na tres ang ginawa nina Matute at Alex Almario upang lumobo sa 11 ang bentahe ng JRU, 66-55.
May 15 puntos kasama ang apat na tres si Matute upang magkaroon ng tatlong manlalaro ang Bombers na naghatid ng doble-pigura.
Hindi na nakabangon pa ang Lions mula rito para malaglag sa 10-2 karta at nanatiling kapos ng isang panalo sa hangaring puwesto sa Final Four.
Sinuwerte naman sa huli ang San Sebastian upang maiwasan ang upset axe na hatid ng host Perpetual Help tungo sa 77-76 panalo sa unang laro.
Ibinigay ni Calvin Abueva ang isang puntos kalamangan sa Stags sa kanyang dalawang free throws bago sinaksihan si Earl Thompson na naisablay ang pampanalong libreng jumper upang mailista ng Stags ang ika-14 sunod na panalo.
Si Ronald Pascual ay mayroong 27.
JRU 76--Lopez 17, Matute 15, Kabigting 13, Villarias 12, Apinan 8, Almario 7, Montemayor 2, Mendoza 2, Gaco 0, Monserat 0.
SBC 65--Lanete 20, Dela Rosa 10, Caram 9, Marcelo 9, Pascual K. 8, Villahermosa 7, Amer 2, Pascual J. 0, Semerad D. 0, Sorela 0.
Quarterscores: 23-16; 39-27; 60-51; 76-65.
- Latest
- Trending