DPS jins sasabak sa Chicago meet
MANILA, Philippines - Nakatakdang lumahok ang mga bagitong taekwondo jins sa 4th Chicago International Taekwondo Winter Games sa Norridge, Illinois sa Nobyembre 11-13.
Kumpiyansa si dating Senador Nikki Coseteng, ang mangunguna sa delegasyon, sa tsansa ng koponang makapag-uwi ng gintong medalya sa nasabing torneo.
“Mataas ang expectations ko para sa koponan. Patuloy ang pagsasanay ng mga bata at ang laban sa Chicago, kahit pa ito ay international event, ay hindi iba sa mga kompetisyong nasalihan na nila,” ani Coseteng.
Si Charizza Camille Alombro, ang varsity team member ng University of the Philippines-Diliman, ang magiging lider ng koponan.
Si Alombro, isang BS Geology sophomore sa state university ng bansa, ay kumuha ng tig-isang silver at bronze medals sa 6th Korea Open International Taekwondo Championships noong nakaraang taon.
Ang dalagitang taekwondo jin ay nagsimula sa Diliman Preparatory School (DPS) at nagkamit ng higit sa 20 gold, 10 silver at 6 bronze medals mula sa mga sinalihang kompetisyon.
Inaasahan ring magdadala ng panalo ang 12-anyos na si Robert Louis Pangilinan.
- Latest
- Trending