MANILA, Philippines - Sa gitna ng isang three-hour flight mula Toluca, Mexico hanggang Los Angeles, kaagad na gumawa ng kanilang gameplan sina Manny Pacquiao at Freddie Roach.
Bumato si Pacquiao, nakasuot ng shirt at tie, ng ilang right hooks, jabs at uppercuts sa harap ng ilang reporter bago tumayo sa kanyang kinauupuan si Roach.
“You know, you have the greatest jab in the world,” sabi ni Roach kay Pacquiao, nanggaling sa World Press Tour kasama si Juan Manuel Marquez.
“But you’re not using it often. You’re not using it well,” dagdag pa ni Roach.
Naglalaro naman si Bob Arum ng card games sa kanyang iPad at nagpapahinga sa isang gold-trimmed 11-seater Gulfstream jet habang nangyayari ang pag-uusap nina Pacquiao at Roach.
Ang sinasabi ni Roach ay kung napabagsak ni Pacquiao si Marquez ng ilang beses mula sa kanyang left hand sa kanilang unang laban, ngayon ay ipatitikim naman ni Pacquiao ang kanyang right hand sa Mexican.
Samantala, matapos ihayag na plano niyang kumandidato bilang Vice-President sa 2016, ang pagiging Gobernador na lamang sa 2013 ang iniisip ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Kaagad nagbago ng pahayag ang 32-anyos na si Pacquiao nang ihayag ng Commission on Election (COMELEC) na hindi siya papasa sa age requirement para sa Vice-Presidency sa 2016.
“Tatakbo tayo pagka-Gobernador sa 2013. Pero sa ngayon boxing muna,” ani Pacquiao sa kanyang pagbabalik sa bansa kahapon sa Ninoy Aquino Inter national Airport sakay ng Philippine Airlines flight PR 103.
Subalit sinabi ni COMELEC chairman Sixto Brillantes na hindi kuwalipikado si Pacquiao para kumandidato sa nasabing posisyon sa 2016 kung kailan siya magiging 37-anyos. Sa probisyon ng 1987 Constitution, nakasaad na ang isang kandidato para sa posisyong bise-presidente ay kailangang 40-anyos na sa araw ng eleksyon.