Orcollo-Alcano pair pasok sa Last 8
MANILA, Philippines - Habang napatalsik sina pool legends Efren ‘Bata’ Reyes at Francisco ‘Django’ Bustamante, binuhay naman nina Dennis Orcollo at Ronnie Alcano ang kampanya ng bansa sa 2011 World Cup of Pool.
Pinayukod nina Orcollo at Alcano sina Jason Klatt at John Morra, 8-6, patungo sa quarterfinal round kahapon sa Block Atrium ng SM North EDSA Mall sa Quezon City.
“Malakas talaga ‘yung mga Canadian. Mabuti na lang sinuwerte kami kahit papaano,” sabi ni Orcollo, natalo kay Ralf Souquet sa finals ng nakaraang World Pool Masters noong nakaraang linggo.
Bumangon sina Orcollo, ang kasalukuyang top-rated cue master, at Alcano, ang dating 8-ball at 9-ball champion, mula sa 4-6 na pagkakaiwan upang tumabla sa 6-6 laban sa mga Canadians.
At mula rito ay hindi na nilingon pa nina Orcollo at Alcano sina Klatt at Morra papunta sa last Eight.
Makakatapat nina Orcollo at Alcano sa Last Eight sina Ko Pin-yi at Ko Ping-chun ng Chinese-Taipei.
Natalo naman sina Reyes at Bustamante kina Souquet at Thorsten Hohmann, 1-9, sa quarterfinals.
Makakasubukan naman nina Souquet, nakatakdang iluklok sa BCA Hall of Fame, at Hohmann sa semis sina Koreans Lee Gun Jae at Hwang Yong na bumigo kina Marcus Chamat at Thomas Mehtala ng Sweden, 9-5.
- Latest
- Trending