MANILA, Philippines - Lagyan ng kinang ang matikas na paglalaro sa double round elimination ang nais gawin ngayon ng Ateneo sa pagharap sa Adamson sa 74th UAAP men’s basketball sa Araneta Coliseum.
Nakataya sa Eagles ang ika-14 na sunod na panalo na magreresulta upang mawalis nila ang elimination round kung manalo uli sa Falcons sa alas-3 ng hapong tagisan.
Mauunang magtuos naman ang UE at UP sa ala-1 ng hapon at ang matatalo ang siyang malalagay bilang kulelat sa walong nagtagisang teams sa taong ito.
Hindi pa natatalo ang Ateneo sa Adamson mula pa noong 1997 para sa 29-game winning streak.
Kapag napalawig nila ito, diretso na ring aabante ang tropa ni coach Norman Black sa Finals at lalaki ang tsansang makuha ang ikaapat na sunod na titulo dahil sa pagkakaroon ng thrice-to-beat advantage laban sa makakatunggali na makikilala matapos ang step ladder Final Four.
Umiskor ang Eagles ng 55-51 panalo sa Falcons sa unang pagtutuos sa taong ito na nangyari noong Hulyo 10.
Kinailangang magpakita ng tibay ang Ateneo dahil humabol sila mula sa pitong puntos na pagkakalubog sa huling anim na minutong tagisan.
Sakaling talunin nila ang Eagles, ang tropa ni coach Leo Austria ang siyang lalabas na number two seeds at magkakaroon ng mahalagang twice- to- beat advantage sa Final Four.