STI, St. Clare at Fatima nanggulat sa NAASCU
MANILA, Philippines - Sumandig ang STI College sa tikas ni Ervin Silverie upang itakas ang 103-102 panalo sa overtime laban sa University of Manila sa pagbabalik aksyon ng 11th NAASCU junior division basketball championship sa Makati Coliseum.
Nagsalpak si Silverie ng mahaba at desperadong three-point shot kasabay ng pagtunog ng buzzer ang nag-angat sa Junior Olympians sa panalo laban sa paboritong Hawklets.
Ang nasabing winning shot ni Silverie ay kanyang nagawa matapos imintis ni Yves Maverick Nicholas ang isa sa kanyang freethrows na nagbigay sa UM ng dalawang puntos na abante, 102-100 may 15 segundo na lamang sa laro.
Nanguna si Jim Lontok na may 28 puntos para sa Junior Olympians.
Samantala, nagpakita ng impresibong laro ang Our Lady Of Fatima University nang talunin ang AMA Computer University, 72-63 at host school St. Clare College-Caloocan na pinayuko ang Centro Escolar University, 88-72 sa iba pang laro.
Umiskor sina Bernabe Teodoro at Jerome Juanico ng tig-29 puntos para sa Baby Phoenix.
Binalikat naman ng tandem nina Joy De Mesa at Norman Mercado ang kampanya ng Baby Saints para talunin ang Baby Scorpions at iposte ang kanilang ikaanim na panalo matapos ang siyam na laro sa ligang ito na inorganisa ni NAASCU president Dr. Ernersto ‘Jay’ Adalem.
Tumapos si De Mesa ng game-high 30-puntos, habang nagdagdag si Mercado ng 20 puntos para sa Caloocan City-based squad na iminando ni Benjie Diswe at assistant coach Edwin Ancheta para punan ang pagkawala ni head coach Mark Herrera.
St .Clare 88--De Mesa 30, Mercado 18, Cabanilla 12, Calma 7, Callangan 7, Bitoon 6, Villar 2, Andaya 2, Rosales 2, Martin 2.
CEU 72--Sevilla 21, Abundo 14, Apolinario 12, Banua 7,Tuazon 6, Jeruta 6,Bernardo 6, Anain 6, Navarro 4, Akpa 0.
Quarterscores: 21-17, 34-39, 60-55, 88-72.
- Latest
- Trending