Starmen binitbit ni Bondoc sa panalo vs Hobe, lider na
MANILA, Philippines - Pinatunayan ng STAR Group of Publications ang kanilang pagiging matikas matapos pulbusin ang Manila-Hobe Bihon, 75-63 sa 2011 MBL Corporate Cup sa San Andres gym sa Malate, Manila.
Ang panalo ay ikatlo sa apat na laro ng Starmen na nagdala sa kanila para hawakan ang solong liderato sa eight-team, single-round tournament na hatid ng Ironcon Builders, Cebuana Lhuillier, PRC Courier at WG Diner.
Tumapos si Jong Bondoc ng 25 puntos, na tinampukan ng makapigil hiningang drives at fastbreak layups upang painitin ang Starmen sa malaking sorpresang panalo laban sa Manila-Hobe.
Nagdagdag si Ver Roque ng 11 puntos at nag-ambag naman si Dennis Rodriguez ng 10 puntos para sa Star Publications, na tangka ang kauna-unahang MBL title sa ilalim ng pagmamando ni coach Alfred Bartolome.
Nagsanib rin ng lakas ang dating University of the East standout na si Chris Corbin at Randel Reducto sa pagkontrol sa boards na nagpahirap sa mga kamador ng Hobe na umiskor sa loob.
Binalikat naman ni Edward Atunaga ang laban ng Manila-Hobe na naglista ng 24 puntos, sinundan ni ex-PBA player Al Vergara na may 11 puntos.
Ayon kay tournament director Albert Andaya, ang top two teams matapos ang elimination round ang siyang awtomatikong uusad sa semis, habang paglalabanan ng apat na susunod na team ang nalalabing dalawang semis berths.
Ang championship ay isang winner-take-all match.
Star Group 75--Bondoc 25, Roque 11, Rodriguez 10, Tabang 9, Ortega 7, Reyes 6, Sangalang 5, Geocada 1, Coquila 1, Corbin 0, Reducto 0, Martinez 0.
Manila-Hobe 63--Atunaga 24, Vergara 11, Labro 10, De Guzman 7, Clemente 6, Almario 3, Sanders 2, Anabu 1, Mariano 0,Tejada 0, Mislang 0.
Quarterscores: 23-8, 40-31, 59-44, 75-63.
- Latest
- Trending