Tigers sasaraduhan ang cast ng Final 4 vs Tams
MANILA, Philippines - Kumpletuhin ang mga maglalaro sa 74th UAAP men’s basketball Final Four ang balak gawin ng UST sa pagbangga sa malakas na FEU ngayon sa Araneta Coliseum.
Ikaapat na sunod na panalo ang nakataya sa Tigers sa kanilang tagisan ng Tamaraws dakong alas-3 ng hapon at kung manaig pa ang UST ay magtatapos na ang karera para sa semifinals.
Ang La Salle ay mauunang makikipagbakbakan sa talsik nang National University ganap na ala-1 ng hapon at nangangailangan na manalo pero ang paghahabol sa Final Four ay nakadepende rin sa ipakikita ng Tigers sa kanilang huling dalawang asignatura.
Pinakamagandang pagtatapos na maitatala ng Archers kung mawalis ang nalalabing dalawang laro ay sa 7-7 kartada kaya’t dapat silang manalangin na ang Tigers ay hindi manalo ng isa sa huling dalawang laro para magkaroon ng playoff sa number four spot.
“Slim chance pero lalaban pa rin kami,” wika ni La Salle coach Dindo Pumaren na nakuha ang unang panalo matapos ang 0-4 start sa second round laban sa UP sa mahigpitang 73-72 iskor.
Tiyak naman na gagawin ng lahat ng UST ang kanilang makakaya para makaiwas sa anumang komplikasyon sa planong makabalik ng Final Four na huling nangyari dalawang taon na ang nakalipas.
Sakaling manalo ay mananatili ring buhay ang kanilang paghahabol sa mahalagang number two seeding at ang pinakaaasam na twice to beat advantage kung sakaling magkakaroon ng Final Four.
Ngunit mapapalaban sila tiyak sa Tamaraws na sa 8-4 karta ay mangangailangan ng panalo upang makatabla sa pumapangalawang Adamson.
Sina Aldrech Ramos, Ryan Garcia at Terrence Romeo ang mga aasahan ng FEU upang ipantapat naman sa husay nina Jeric Teng, Jeric Fortuna at Karim Abdul.
- Latest
- Trending