Pacquiao Paborito, 8-1
NEW YORK - Sa kanyang malawak na karanasan sa mundo ng professional boxing, ang binibitiwang pahayag ni Bob Arum ay tunay na mahirap na ‘di paniwalaan.
Gamit ang pag-aaring Top Rank, nagawang pagsamahin uli ni Arum sina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez para magtuos sa ikatlong pagkakataon sa Nobyembre 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Marami ang nagsasabing patok si Pacquiao sa mas may edad na si Marquez at ang odds ng isapubliko ang balitang ikatlong pagtutuos ay naglalagay sa kasalukuyang pound for pound king bilang 8-1 paborito.
Ngunit hindi kumbinsido si Arum sa mga nagsasabi nito dahil si Marquez ang natatanging boksingero na nakalaban ni Pacquiao at nagbigay sa kanya ng malaking sakit ng ulo.
“It’s a tough one to call,” wika ni Arum sa ikalawang yugto ng World Press Tour na ginawa sa Chelsea Piers sa New York.
“Juan Manuel Marquez presents a puzzle to Manny Pacquiao. The truth is he hasn’t solved the puzzle in 24 rounds. That puzzle is that in our opinion Juan Manuel is the greatest counter-puncher in boxing today,” ani Arum.
May puntos naman ang beteranong promoter dahil sa unang pagkikita noong 2004 ay nauwi ito sa tabla habang noong 2008 ay nailusot ni Pacquiao ang mahigpit na split decision na hanggang ngayon nga ay pinagdedebatehan ba kung tama ba o mali ang desisyon.
Ipinangalandakan ni Marquez na siya ang tunay na nanalo at nadaya lamang umano ng mga hurado, isang opinyon na sinasang-ayunan din ng nakararaming panatiko ng sport.
Kaya para matapos ang usapin, itinakda ang ikatlong pagtutuos at itataya rito ni Pacquiao ang hawak na WBO welterweight title sa catchweight na 144 pounds.
Isang beses lamang nagkamayan sina Pacquiao at Marquez sa pagtitipon at kaunti lamang ang kanilang binitiwang pananalita.
Ang aksyon na ito ng dalawa ay nagbibigay paniniwala pa kay Arum na bubuhos ang dalawa kapag nagtagpo na sa ring sa gabi ng laban.
“So I’m looking forward to this fight as another classic,” wika pa ni Arum.
- Latest
- Trending