MANILA, Philippines - Si dating Smart Gilas Pilipinas’ point guard Mark Barroca ang sinasabi ni dating PBA Board chairman Rene Pardo na kukumpleto sa B-Meg.
Kaya naman pumasok ang Llamados sa isang three-way trade kasama ang Barako Bull Energizers at Shopinas Clickers upang makuha si Barroca.
Sa pagkakasambot ng B-Meg sa dating Far Eastern University Tamaraw, napasakamay naman ng Barako Bull, dating Air21, ang beteranong forward na si Don Allado, habang napunta si small forward Elmer Espiritu sa Shopinas.
“Matagal na naming tinitingnan si Mark Barroca,” sabi ni Pardo. “I think he will complete our team.”
Si Richard Del Rosario ang siyang gagabay sa Llamados, itatampok ang pagbabalik sa aksyon nina Kerby Raymundo, Rico Maierhofer at Rafi Reavis, bilang bagong head coach kapalit ni Jorge Gallent.
Bukod sa 6-foot-3 na si Espiritu, nakuha rin ng Shopinas ni Franz Pumaren si rookie center in Bryan Ilad kapalit ng isang future draft pick ng B-Meg.
Ang nasabing mga trades ay inaasahang papayagan ni PBA Commissioner Chito Salud.
Nauna nang nagkasundo sa isang three-team trade ang Talk ‘N Text, Meralco at Powerade.
Nahugot ng Bolts sina Mark Macapagal at Chico Lanete ng Tigers at Mark Yee ng Tropang Texters, habang nakuha ng Powerade si Ogie Menor at Shawn Weinstein at dinala si Bam Gamalinda sa Talk ‘N Text.
Pinakawalan naman ng Meralco sina 6’8 Marlou Aquino at shooter Renren Ritualo na posibleng kunin ng Shopinas.
Samantala, makikipagpulong ngayong umaga si 2011 PBA Rookie Draft No. 1 overall pick JV Casio sa Powerade kasama ang kanyang agent/player na si Charlie Dy.
Ito ay ukol sa gustong makuha ni Casio na isang three-year contract sa Tigers na naibigay naman ng Rain or Shine Elasto Painters kay No. 2 overall pick Paul Lee, naglaro sa University of the East.