Salud pinaalalahanan si Uytengsu sa salary cap
MANILA, Philippines - Mariing pinaalalahanan kahapon ni PBA Commissioner Chito Salud si Alaska team owner Wilfred Uytengsu na magdahan-dahan sa pananalita kaugnay sa alegasyon nito sa mga koponang lumalabag sa patakaran sa salary cap.
Ayon kay Salud, dapat ipinarating ni Uytengsu ang kanyang reklamo sa PBA Board at hindi sa isang press conference na ginawa ng Alaska noong nakaraang linggo ukol sa pagbibitiw ni Tim Cone bilang head coach ng Aces matapos ang 22 taon.
“The matters that he brought up, particularly the alleged violations of salary cap, are critical issues which must be discussed in reasonable manner, primarily within the confines of the PBA board room,” ani Salud kay Uytengsu, dati ring naging chairman ng PBA Board.
Ikinasama ng loob ni Uytengsu ang pagbibitiw ni Cone na kanyang kinuha bilang mentor ng Alaska simula noong 1989 kung saan sila nakakuha ng 13 PBA championships, tampok rito ang Grandslam noong 1996.
Sinasabing lilipat ang 53-anyos na si Cone sa B-Meg, iniluklok si dating assistant Richard Del Rosario bilang bagong coach kapalit ni Jorge Gallent.
Bago ito, ipinagtaka rin ni Uytengsu ang biglaang paghingi nina two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller at Joe Devance ng release papers sa kabila ng inialok nilang maximum salary na P350,000.
Ang pagbibigay ng sobra sa naturang maximum pay kina Miller at Devance ang sinasabi ni Uytengsu na isang halimbawa ng paglabag ng ilang PBA teams sa salary cap.
Si Miller ay lumipat sa Barangay Ginebra at ngayon ay nasa Barako Bull, dating Air21, habang ang 6-foot-7 namang si Devance ay nasa B-Meg.
“To be clear, what Mr. Uytengsu advocates -- the upholding of the rules of the league -- is also my advocacy. I believe that the vast majority of our players and team officials abide by the rules, so it is unfair to tar them with sweeping statements,” ani Salud kay Uytengsu.
Inamin rin ni Salud na mahirap patunayan ang mga alegasyon ni Uytengsu, nagbanta na aalisin ang Alaska sa liga kung magpapatuloy ang paglabag ng ilang koponan sa salary cap rule.
“Let’s call a spade, a spade. By its very nature, this is one issue where proof is hard to come by and inuendos easy to make. But it does not mean it does not happen,” wika ni Salud sa Alaska executive.
Ayon kay Salud, may 15 PBA players lamang ngayon ang tumatanggap ng maximum pay na P350,000 mula sa kani-kanilang koponan mula sa halos 140 cagers.
“There are legitimate reasons for a player to move from one team to another; better chance at a championship, better coach-player chemistry, more playing time, etc. In short, it’s not just about the money,” ani Salud.
- Latest
- Trending