MANILA, Philippines - Magsisimula ngayon ang tagisan ng 72 koponan mula sa mga barangay sa apat na siyudad sa pagbubukas ng 1st Handy Fix Super League National Barangay Championships sa iba’t ibang palaruan.
Tig-24 koponan na nagmula sa Parañaque, Pasay, Taguig at Manila sa Luzon; Lapu Lapu, Mandaue, Talisay at Cebu sa Visayas; Tagum, Digos, Panabo at Davao sa Mindanao ang maglalaro sa dalawang grupong single round robin.
Ang mangungunang koponan sa bawat grupo ay maglalaban-laban para madetermina ang uusad sa Regional finals sa Nobyembre 5 at 6.
Ang lalabas na city champions ay dadaan uli sa single round robin para makita ang kakatawan sa regional teams na maglalaban-laban sa national finals sa Cebu City sa Nobyembre 12 at 13.
“Binibigyan ng ligang ito ng oportunidad ang mga barangay cagers na maipakita ang kanilang galing sa isang national level tournament,” wika ni Derrick Tan na siyang General Manager ng Magna Prime Distribution Corp., na gumagawa ng Handy Fix Multi-Purpose Adhesive at Sealant.
Si Darren Evangelista ng EASMI ang national commissioner habang ang tatanghaling kampeon ng torneo ay magkakamit ng P25,000. Ang papangalawa ay may P15,000 premyo habang P10,000 at P5,000 naman ang mapupunta sa papangatlo at papang-apat.