MANILA, Philippines - Dadayuhin naman ang Quirino Province ng mga motocross riders para sa 8th Leg ng Enersel Forte Philippine National Motocross Series na gagawin sa Setyembre 10-11.
Puntirya ni Golden Wheel Awardee at kauna-unahang Asian Motocross Champion na si Glenn Aguilar na muling pangunahan ang Pro-Open category na pinagharian niya sa nakaraang pitong karera.
Bibigyang kulay ni Quirino Governor Junie E. Cua ang event na bahagi ng limang araw na pagdiriwang ng ika-40 taong founding anniversary ng probinsiya sa Setyembre 7-11. Ang selebrasyon na pinamagatang ‘Panagdadapun Festival.’
Ang taunang Quirino Day motocross event ay bahagi ng kagustuhan ng probinsiya na ipakilala ang Quirino bilang sports capital ng northeastern Phi-lippines. Noong nakaraang Hunyo, sa pagdiriwang ng kaarawan ng gobernador, ay ginanap dito ang Governor Junie E. Cua Invitational Motocross Cup.
Ipinagmamalaki ng pangulo ng SEL-J Sports na si Jay Lacnit, nanguna sa Executive B sa 7th Leg, ang Enersel Series na kilala na at kayang makipagsabayan sa mga premyadong motocross event ng bansa kahit dalawang taon pa lamang ito. Halos 95 porsiyento ng mga pinakamagagaling na riders ng Pilipinas ang kabilang sa SEL-J.