MANILA, Philippines - Kung si Mexican trainer Nacho Beristain ang tatanungin, hindi siya naniniwala na mauuwi sa knockout ang ikatlong laban sa pagitan nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez.
“I don’t think there will be a knockout but 12 rounds of really high-level boxing,” wika ni Beristain sa pamamagitan ng interpreter na si Ricardo Jimenez ng Top Rank.
Naglaban na sina Pacquiao at Marquez noong 2004 at 2008 at sa dalawang tagisang ito ay humalik sa kuwadradong lona ang ipinagmamalaking boksingero ng Mexico.
Tatlong beses tumumba si Marquez noon 2004 pero ang laban ay nauwi sa tabla. Noong 2008, tumumba minsan si Marquez at ito ang sinasabing nagtulak upang manalo si Pacquiao sa pamamagitan ng split decision.
Hindi tanggap ni Marquez ang resultang ito at iginiit na siya ang tunay na nanalo, isang opinyon na kahit si Beristain ay sang-ayon.
“I know we can beat him because we’ve beaten him before,” pahayag pa ng batikang trainer.
Ngunit para makuha ang mailap na panalo, dapat ay magpakita ng pasensya si Marquez na hindi niya ginawa sa unang tagisan.
Ayon kay Beristain, inengganyo ng ama ni Marquez ang anak na boksingero na atakihin si Pacquiao at nagbayad ito dahil siya ang napuruhan ng suntok.
Sa ikalawang laban, nagmadali rin si Marquez nang inakalang nasaktan niya ang Pambansang kamao dahilan upang siya ang napatumba tungo sa pagkatalo.
Itataya ang hawak na WBO welterweight title ni Pacquiao sa catchweight na 144 pounds, ang dalawang boksingero ay pormal na ipakikilala sa publiko sa Quirino Grandstand ngayong alas-2:30 bilang simula ng World Press Tour.