MANILA, Philippines - Matapos ang 22 taon na pagsasama na nagbunga ng 13 kampeonato, tampok rito ang Grandslam noong 1996, sa Philippine Basketball Association (PBA), naghiwalay na ng kanilang landas sina coach Tim Cone at ang Alaska.
Ito ang inihayag kahapon sa isang press conference ni team owner Wilfred Steven Uytengsu kasama ni team manager Joaqui Trillo at ang bagong mentor ng Aces na si Joel Banal.
Bagamat may natitira pang dalawang taon sa kanyang kontrata, pinayagan na rin ni Uytengzu ang 53-anyos na si Cone na pakawalan.
“I’ve been here for 22 years. I just wanted to try and have a change and take a different direction and take another challenge,” sabi ni Cone, nagsimulang igiya ang Alaska noong 1988 sa edad na 31-anyos. “The No.1 challenge for me is to take it from here and improve to wherever I end up and see if I can emulate what I did in the past 22 years with the Alaska organization.”
Pinabulaanan ni Cone ang mga usap-usapan na lilipat siya sa B-Meg, hahawakan na ni dating assistant Richard Del Rosario, sa darating na 2011 PBA Philippine Cup.
“There’s no truth to the rumors. I have not received any firm offers,” wika ni Cone. “This is like a leap of faith for me. I would still want to continue to coaching and would consider any opportunities that are out there for me.”
Si Cone, nagsilbing PBA analyst ng Vintage noong 1980’s, ay nakatikim ng kanyang unang PBA title bilang coach ng Alaska noong 1991 bago tulungan ang 1998 PBA Centennial Team sa paghahari sa Jones Cup at bronze medal finish sa Asian Games sa Bangkok, Thailand.
Ipinaglaban rin ni Uytengsu si Cone na manatili sa kanyang trabaho nang subukan ng Basketball Coaches Association of the Philippines (BCAP) na patalsikin. Dinala sa Supreme Court ang naturang usapin na nabalewala nang pakasalan ng produkto ng Menlo College sa California ang kanyang nobyang Pinay na si Cristina Viaplana.
Mabigat na ‘pressure’ naman ang nararamdaman ni Banal, tinulungan ang Talk ‘N Text sa pagkuha sa 2003 All-Filipino Cup, bilang kapalit ni Cone.
“Definitely, may pressure kasi 22 years with 13 championships. But I will do my best,” sabi ni Banal, halos 10 taon na naging assistant ni Cone sa bench ng Alaska.
Matapos ang press conference, isa-isang niyakap ni Cone ang kanyang mga Aces.