Hawks sinilo ang 7 dikit na panalo sa Stallions
MANILA, Philippines - Hiniya ng nagdedepensang University of Manila ang bagitong Trace College-Los Baños, 88-65 upang ilapit ang kanilang kampanya sa pangunguna sa pagtatapos ng first round eliminations ng 11th NAASCU men’s basketball tournament kahapon sa UM gym.
Sumandig ang Hawks sa malakas na opensiba ni Jay-Ar Manuel upang pamunuan ang apat pang nagtala ng dobleng pigura sa inilistang 11 puntos at 14 rebounds para sa ika-7 dikit na pananalasa ng Hawks na suportado ng Zycare Pharma sa ligang inorganisa ni Dr. Ernesto ‘Jay’ Adalem ng host school St. Clare College.
Tumapos naman sina MVP/ROY awardee Eugene Torres, Jeff Alvin Viernes, Jerry Ancheta at Salvador Guti-Ay ng tig-10 puntos para lalo pang ibaon sa hukay ang Stallions matapos malasap ang kanilang walong sunod na talo.
Sa kabilang dako, nagpakitang gilas naman ang Our Lady of Fatima University nang kanilang igupo ang St. Clare College-Caloocan City, 84-65 at pagandahin ang kanilang record sa 5-3 sa likod ng UM, STI Centro Escolar University at Informatics.
Nagsanib ng puwersa sina Paul Alba at Jomarie Lacastesabtos sa itinalang 35 puntos para sa Phoenix ni coach Rensy Bajar.
Bumandera naman sa Saints si Dennis Santos na may 12 puntos na sinundan ni Joseph Espeno na may 11 puntos.
Bunga ng kabiguan bumagsak ang kampanya ng Saints sa 3-5.
- Latest
- Trending