Bagong World Record puntirya sa Run for Pasig River
MANILA, Philippines - Ipagpapatuloy ng Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig (KBPIP) ang naunang adhikain na ibalik ang dating sigla ng nasabing ilog sa pagsasagawa ng 2011 Run for Pasig River sa Nobyembre 20.
Pormal na inilunsad ang taunang patakbo kahapon sa Midas Hotel sa Roxas Boulevard at nanguna rito si ABS-CBN Foundation Inc. managing director at kasalukuyan ding chairperson ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Gina Lopez na kung saan inihayag niya ang hangaring makaengganyo ng 150,000 runners at makalikom ng P20 milyon na gagamitin para linisin naman ang Estero de San Miguel.
“Noong nakaraang taon ay nalagay ang Pasig River run sa Guinness Book bilang pinakamalaking eco footrace sa lumahok na 116,086 mananakbo. Ngayon taon ay nais kong makakuha ng 150,000 runners o kahit na 117,000 basta matiyak na mabubura natin ang dating record,” wika ni Lopez.
Ipinangako rin niyang gagawin ang patakbo taun-taon kasabay ng pagtitiyak na may mga makikitang pagbabago sa kasalukuyang antas ng Pasig River.
Pumalo sa P12 milyon ang kinita ng patakbo noong 2010 at ginamit ito para buhayin ang ngayon ay gumanda ng Estero de Paco.
Tulad sa nakaraan, ang mga puwedeng salihan ay sa 3k, 5k at 10k habang pili lamang ang isasama sa ceremonial 21k run.
Walang premyong makukuha sa karerang ito pero mahihigitan ito ng katotohanang ang mga magsisilahok na magbabayad ng registration fee ay makakatulong naman sa pagbuhay sa Ilog Pasig.
Taliwas sa mga nakaraang patakbo, gagamit din sa taong ito ng timing chips upang mas magkaroon ng tamang bilang sa hanay ng mga tumapos sa karera.
- Latest
- Trending