MANILA, Philippines - Tututok ang laro ngayon sa Adamson na magpapatatag sa paghahabol sa ikalawang insentibo sa Final Four sa pagbabalik aksyon ng 74th UAAP men’s basketball sa Araneta Coliseum.
Kalaban ng Falcons ang talsik nang UE sa ganap na ala-1 ng hapon at pakay na mapag-ibayo ang kasalukuyang 8-3 karta.
Ang Falcons, FEU at UST ay pare-parehong may tsansa pa para makamit ang ikalawa at huling twice-to-beat incentive sa Final Four at ito ang magtutulak sa tropa ni coach Leo Austria para magsigasig upang manalo uli sa Warriors.
“Mathematically, anything is possible at this point kaya kailangan naming manalo pa para makaiwas sa anumang complications,” wika ni Austria.
Ang 3-peat defending champion Ateneo ay magbabalak na lumapit sa dalawang laro tungo sa pagkumpleto sa 14-0 sweep sa pagbangga sa wala na rin sa kontensyon na UP dakong alas-3 ng hapon.
May 12-0 karta ngayon ang Eagles at patok silang manalo sa Maroons na kung magagawa ay mangangailangan na lamang na maipanalo ang mga laro kontra sa National University at Adamson para makaabante na ng diresto sa Finals.
Aasahan ni coach Austria sina Alex Nuyles, Janus Lozada, Eric Camson, Lester Alvarez at Lionel Manyara para magtrabaho at makuha ang panalo sa Warriors na gaya ng Maroons ay magnanais na lamang na magkaroon ng positibong pagtatapos sa di magandang kampanya sa taong ito.
Samantala, iinit pa ang labanan sa 74th UAAP season sa pagbubukas ng taekwondo, table tennnis at swimming sa buwan ng Setyembre.
Unang gagawin ang tagisan sa taekwondo sa The Arena sa San Juan City sa Setyembre 13 at 17 at magtatangka ang UST sa ikatlong sunod na women’s title habang ang La Salle ang magbabaka-sakali sa ikalawang sunod na men’s title.
Ang table tennis ay gagawin naman sa Philsports Complex at Rizal Memorial Sports Complex sa mga petsang Setyembre 24, 25 at Oktubre 1 at 2 at host dito ang National University.
Ang pool events ay nakatala naman sa Setyembre 22 at 25 sa Rizal Memorial Swimming pool habang ang Cheerdance Competiton ay gaganapin naman sa Setyembre 17 sa Araneta Coliseum.
Sa Oktubre 1 at 2 naman paglabanan ang judo events sa Ninoy Aquino Stadium.