Mondragon bagong PBA Chairman
HONG KONG - Balak ng bagong PBA board chairman na si Mamerto Mondragon ng Rain or Shine na palawigin ang PBA fan base at palakasin ang PBA D-League sa hangaring masakyan ang matagumpay na 2010-11 PBA season.
Hangad ni Mondragon na maduplika ang kinitang P90 million income ng liga noong nakaraang season.
At optimistiko siyang mangyayari ito sa pamamagitan ng pinagandang three-conference format, isang bagong broadcast partner sa TV5 at ilang mga bagong players.
“It’s attainable,” sabi ni Mondragon sa pagtatapos ng PBA summit dito sa Holiday Inn Golden Mile Hotel sa Tsim Sha Tsui kahapon.
“We enjoyed a marked increase in gate attendance last season and we hope it to continue,” dagdag pa ni Mondragon.
Magsisimula ang 37th season ng PBA sa Oktubre 2.
“I’m still feeling my way around but the governors are there to assist me. I have to admit Season 36 under chairman Pardo was a tough act to follow, but we’ll really try our best (to achieve our goal in the coming season),” wika ni Mondragon.
Nangako naman ng suporta ang mga miyembro ng PBA Board kay Mondragon.
“I’m sure Attorney Mondragon is very able,” sabi ni dating PBA chairman Rene Pardo ng B-Meg. “And he will have the 100 percent support of everybody.”
Naniniwala sina Mondragon at league commissioner Chito Salud na ang kanilang pagbisita sa mga barangay ang magpapalawak pa sa kanilang fan base.
Samantala, kumpiyansa naman si Pardo sa magiging kampanya ng kanyang Llamados.
“Kerby (Raymundo) is returning, and so is Rico (Maierhofer). So we’re really excited,” sabi ni Pardo, nakatakdang makipagkita sa kanilang bagong coach na si Richard del Rosario.
Sa pag-akyat ni Del Rosario, mentor ng St. Benilde Blazers sa NCAA, ibinaba naman ng SMC si Jorge Gallent bilang assistant coach. Dahil sa mga injuries, nalaglag ang B-Meg sa 20-24 win-loss record noong nakaraang season.
Muling isasalang ng Llamados sina Raymundo, Maierhofer, Rafi Reavis, Marc Pingris at Joe Devance.
- Latest
- Trending