MANILA, Philippines - Pagkakataong mapalaban sa harap ng kanyang mga kababayan ang hindi sasayangin ni Donnie “Ahas” Nietes.
Isang knockout win ang ipinangako ni Nietes kapag nakaharap ang Mexican WBO light flyweight champion na si Ramon Garcia Hirales sa Oktubre 8 sa La Salle Bacolod Gym.
Ikalawang laban lamang ito ng 29-anyos na si Nietes sa nasabing dibisyon pero nag-uumapaw ang kanyang tiwala sa makukuhang panalo upang maging double world champion ng bansa matapos unang dominahin ang WBO minimumweight division.
“Unang title fight ko ito sa harap ng mga kababayan ko kaya excited talaga ako. Halos 80 rounds na ang sparring ko at hindi ko man masabi ang round ay knockout win ang kukunin ko sa kanya,” wika ni Nietes nang dumalo sa PSA Forum kahapon.
Unang depensa ito ng 28-anyos na si Hirales sa titulong inagaw kay Jesus Geles ng Columbia nitong Abril 30 sa pamamagitan ng fourth round KO panalo sa Mexico City.
Pero hindi binigyan ng halaga ang masasabing impresibong panalo na ito ni Hirales at minaliit nga ang kakayahan ng nagdedepensang kampeon.
“Mas magaling pa nga ang kapatid niyang si Raul sa kanya. May iingatan din ako sa kanya gaya ng mga wild punches, uppercut at straight. Pero kayang-kaya ko siya,” wika pa ng dating minimumweight champion na mayroong 28 panalo sa 32 laban kasama ang 16 KO.
Si Raul ang humalili kay Nietes sa minimumweight division pero natalo agad sa unang title defense laban sa kababayang si Moises Fuentes sa pamamagitan ng split decision.
Ang title fight ay handog ng ALA Promotions na kinatawan sa forum ni marketing head Chad Canares at matutuwa ang mga magsisipanood dahil undercard sa laban sina AJ Banal at ang papasibol na si Arthur Villanueva.