Cardinals gustong maka-2 sa Altas
MANILA, Philippines - Sisikapin ng Mapua na maipagpatuloy ang pagbangon mula sa mababang puwesto sa pagpapatuloy ng 87th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sariwa sa naitalang 94-90 overtime panalo sa St. Benilde sa huling laro, tiyak na mataas ang morale ng Cardinals na haharapin ngayon ang host University of Perpetual Help System Dalta sa alas-4 ng hapon na labanan.
Unang tagisan ganap na alas-11:45 ng tanghali ay sa pagitan ng Arellano University at Emilio Aguinaldo College at ang magwawagi rito ay makukuha ang ikaapat na panalo matapos ang 11 laro.
Kasalukuyang magkasalo ang Chiefs at Generals bukod pa sa Jose Rizal University sa 3-7 karta kaya’t mahalaga ang makukuhang panalo para sa paghahabol nila ng posisyon sa Final Four.
“Nasa aming mga kamay ang chance namin para sa Final Four. Depende sa ipakikita namin pero nananalig akong ibang lebel na ang ipakikitang laro ng mga bata,” wika ni coach Chito Victolero.
Tinalo ng Cardinals ang Altas ng dalawang puntos lamang sa first round, 65-63, at hindi malayong magiging mahigpitan din ang tagisan lalo nga’t nanalo rin ang host school sa kanilang huling asignatura laban din sa Blazers, 63-57.
Sa 2-9 karta ay kaya pang humabol ang Altas para sa puwesto sa susunod na round pero mas pinagtutuunan muna ni coach Jimwell Gican ang ma-develope ang fighting spirit ng team.
“Kahit sino kalaban, kahit sino ang nandiyan, laruin natin. Kahit PBA pa ang kalaban. Ang talagang ipinipilit ko sa kanila ay magpakita ng puso,” wika ni Gican.
Sina Allan Mangahas, Youseh Taha at Fil-Am Josan Nimes ang mga kakamada sa Cardinals laban kina Jet Vidal, Justine Alano at Anthony Paulino ng Altas.
Sasandalan naman ng Generals ang kinuhang 84-77 panalo sa first round laban sa Chiefs para wakasan din ng tropa ni coach Gerry Esplana ang tatlong sunod na kabiguan.
- Latest
- Trending