MANILA, Philippines - Tuluyan nang nasilo ng Philippine Army ang playoff para sa isang semifinals ticket matapos igupo ang Philippine Air Force, 25-14, 25-19, 25-22, sa quarterfinal round ng Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
May 3-0 rekord ngayon ang Lady Troopers sa quarterfinals kasunod ang San Sebastian College (2-0), Ateneo De Manila University (1-1), Phlippine Navy (1-2), Air Force (0-2) at Maynilad (0-2).
Humataw si Marietta Carolino ng 13 kills para sa kanyang 16 hits, habang may 11 at 10 naman sina Mary Jean Balse at Michelle Carolino, ayon sa pagkakasunod.
Nauna rito, mula sa isang five-game losing slump, bumangon ang Lady Eagles para buhayin ang kanilang tsansa sa isang semifinal seat.
Tinalo ng Ateneo De Manila University ang Maynilad, 25-17, 23-25, 25-22, 25-15, sa quarterfinal round.
Nagtuwang sina Alyssa Valdez at Fille Cainglet mula sa kanilang 51-hit output para sa 1-1 rekord ng Lady Eagles, ang first conference champions, sa quarterfinals.
Humataw si Valdez ng 22 kills, samantalang nagtala si Cainglet ng 20 attacks.
Nalasap naman ng Water Dragons ang kanilang ikalawang sunod na kamalasan.
Tinalo na ng Ateneo ang Maynilad sa kanilang unang pagkikita noong Hulyo 31.
Bumangon ang Lady Eagles sa 18-22 pagkakaiwan sa third set laban sa Water Dragons matapos kunin ang huling pitong puntos.