Abueva, Sangalang humihigpit ang labanan para sa NCAA MVP
MANILA, Philippines - Sa unang pagkakataon ay dalawang manlalaro ang nagsalo para sa lingguhang ACCEL-3XVI NCAA Press Corps Player of the Week.
Ginusto man na isa lamang ang bigyan ay hindi naman maaari lalo nga’t sina Calvin Abueva at Ian Sangalang ay parehong gumawa ng matinding laro nang kunin ang 99-63 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College sa pagbubukas ng kampanya sa second round.
Parehong manlalaro ng San Sebastian na mayroon ngayong 10-0 karta, si Abueva ay gumawa ng 34 puntos upang wasakin ang pinakamataas na naitala sa 87th season na 32 na ginawa ni Garvo Lanete.
Hindi naman nagpahuli ang 6’6 center na si Sangalang na humablot naman ng 25 rebounds, 15 rito ay sa offensive glass.
Hinigitan ni Sangalang ang ginawang 20 rebounds ni Jam Cortes ng nanalo ang Knights sa EAC, 76-67, noong Agosto 12 habang ang 15 offensive boards ay pinakamaganda matapos gumawa rin si Jomar Datang ng Letran ng ganito karami nang manalo ang Knights sa EAC din, 85-84, dalawang taon na ang nakalipas.
Dahil sa husay nina Abueva at Sangalang ay hindi nakaporma sa kabuuan ng laro ang Generals upang walang duda na karapat-dapat ang dalawang manlalaro ng Stags sa lingguhang parangal na handog din ng Gatorade.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nakuha nina Abueva at Sangalang ang parangal mula sa mga mamamahayag na kumokober sa liga at dagdag kinang din ito lalo nga’t ang dalawa ay nangunguna rin sa talaan para sa Most Valuable Player award.
Ang iba pang ikinonsidera ay sina Fil-Am Josan Nimes at Allan Mangahas ng Mapua, Jet Vidal ng Perpetual at Chris Cayabyag ng Lyceum.
- Latest
- Trending