Lyceum, Perpetual nanggulat
MANILA, Philippines - Binawian ng Lyceum ang Jose Rizal University para mapanatili ang paghawak sa ikaapat na puwesto gamit ang 71-65 panalo sa 87th NCAA men's basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tumipak ng 19 puntos si Chris Cayabyab para sa Pirates at siyam rito ay kanyang ginawa sa fourth quarter upang tapatan ang kabuuang naiskor ng Heavy Bombers sa yugto para makumpleto ang ginawang pagbangon mula sa 38-51 pagkakabaon sa third period.
"Wala kaming inisip kungdi ang maging back to zero dahil underdog kami sa liga bilang isang guest team," wika ni Lyceum assistant coach Chris Brower na siyang kumatawan sa namaos na head coach na si Bonnie Tan.
May 11 rebounds pa sa laro, ang huling basket ni Cayabyab ay ang isang 5-foot jumper na nagbigay sa Pirates ng 68-65 kalamangan may 1:22 sa orasan.
Ang panalo ay tumapos sa tatlong sunod na kabiguan ng Lyceum para sa 5-5 marka, habang may 3-7 baraha ang JRU.
Tinabunan ng panalong ito ang naunang matikas na paglalaro sa fourth quarter ng host University of Perpetual Help System Dalta para sorpresahin ang College of St. Benilde tungo sa 63-57 tagumpay.
- Latest
- Trending