MANILA, Philippines - Sinandigan ni Philippine Army ang kabayanihan ni Marietta Carolina para makabangon mula sa isang first-set loss at igupo ang Ateneo De Manila University, 21-25, 25-14, 25-17, 25-17 sa quarterfinal round ng Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Humataw si Marietta Carolino ng 13 kills para sa kanyang 17 hits bukod pa ang 3 blocks para pangunahan ang ikalawang sunod na panalo ng Lady Troopers sa single round robin quarterfinals.
Nagdagdag naman ang kanyang kapatid na si Michelle ng 13 points, habang may 12 hits si Dahlia Cruz sa paggupo ng Army sa Ateneo sa loob ng isang oras at 29 minuto.
Ito rin ang pangalawang pagkakataon na dinominang muli ng Lady Troopers ang Lady Eagles, ang first conference champions, matapos manaig sa eliminasyon sa naturang season-ending tournament.
Matapos makuha ang first set, lumaylay naman ang depensa ng Ateneo, naghahangad ng kanilang ikalawang sunod na korona matapos talunin ang Adamson sa first conference, sa sumunod na yugto.
Humataw si Fille Cainglet ng 20 hits para banderahan ang Lady Eagles, nasa kanilang five-game losing slump matapos ang apat sa eliminasyon, kasunod ang tig-10 points nina Angeline Gervacio at Alyssa Valdez at 8 ni Gretchen Ho.
Sa pananamlay naman ni Rachel Ann Daquis, sinandigan ng Army sina Cruz, Cristina Salak, Mary Jean Balse at Joanne Buñag.
Sa ikalawang laro, kinuha rin ng San Sebastian College ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa quarterfinals nang iposte ang 23-25, 25-12, 25-21, 24-26, 15-10 panalo kontra Philippine Navy.
May magkatulad na 2-0 rekord ngayon ang Lady Stags at ang Lady Troopers kasunod ang Lady Sailors (1-2), Airwomen ng Air Force (0-1), Maynilad Water Dragons (0-1) at Lady Eagles (0-1).
Samantala, ipalalabas ngayong alas-2 ng hapon sa NBN-4 at GMA-7’s international channels GMA PinoyTV, GMA Life TV at GMA News TV ang sagupaan sa pagitan ng Army at Ateneo.