Marquez hanggang 5th round lang--Ariza
MANILA, Philippines - Hanggang five rounds lamang ang itatagal ni Mexican challenger Juan Manuel Marquez para sa kanilang pangatlong paghaharap ni Filipino world welterweight champion Manny Pacquiao sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ito ang tiniyak ni Alex Ariza, ang strength and conditioning coach ng Filipino world eight-division king.
“I say the same thing; maximum,” ani Ariza sa panayam ng Fightnews.com. “And you know what? That's going to also be due to, a big part, because of Marquez. Regardless, if you catch him, he's going to come to fight, you know? He's not going to run.”
Nakatakdang itaya ni Pacquiao, may 53-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, ang kanyang hawak na WBO welterweight crown kontra kay Marquez (53-5-1, 39 KOs) sa Nobyembre 12
Isang draw ang naitakas ni Marquez sa kabila ng tatlong beses na pabagsak sa first round sa kanilang unang pagtatagpo ni Pacquiao noong Mayo ng 2004.
Naagaw naman ni Pacquiao ang dating suot na WBC super featherweight title ni Marquez sa kanilang rematch noong Hunyo ng 2008 sa bisa ng split decision.
Mariin pa ring ipinagkakalat ng 37-anyos na si Marquez, ang kasalukuyang world lightweight titlist, na siya ang tunay na nanalo sa kanilang dalawang ulit na paghaharap ng 32-anyos na si Pacquiao.
“Manny's a whole different fighter than back in those days,” wika ni Ariza sa Mexican fighter. “As far as Marquez having his number or this is going to be controversial, shut up!.”
- Latest
- Trending