MANILA, Philippines - Makalayo pa sa mga naghahabol sa unang apat na puwesto ang gagawin ng Letran at St. Benilde sa pagpapatuloy ng 87th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ikawalong panalo sa 10 laro ang nakataya para sa Knights sa pagsampa sa court para harapin ang Arellano sa ganap na alas-2 ng hapon, habang masosolo ng Blazers ang ikaapat na puwesto kung manalo sa Mapua sa ikalawang laro sa alas-4.
Ang pitong nalalabing koponan kasunod ng San Sebastian, San Beda at Letran ay dikit-dikit sa standings kaya mahalaga ang bawat larong makukuha para sa paghahabol sa puwesto sa Final Four.
Dinurog ng tropa ni coach Louie Alas ang Chiefs sa unang pagtatagpo , 88-70, pero hindi nakakatiyak ang Knights na ganito rin ang kalalabasan ng ikalawang tagisan lalo na at tinapos ng tropa ni coach Leo Isaac ang first round taglay ang magkasunod na panalo.
“Isang laro lamang ang layo sa amin ng mga nasa fourth at fifth slot kaya may laban pa rin kami,” wika ni Isaac.
Sina Vergel Zulueta (15.0 points, 3.6 rebounds at 3 assists), Andrian Celada (14.6 points), Rocky Acidre (13) at Jerald Lapuz (10.6) ang mga kakamada para sa Chiefs ngunit isang bagay na dapat nilang gawin ay limitahan ang mga malalaking manlalaro ng Knights na sina Raymund Almanzan at Jamieson Cortes na nasa top five kung labanan sa MVP race ang pag-uusapan.
Hindi naman magagamit ng Blazers ang back-up center na si Jan Tan na nasuspindi sa larong ito matapos makipagsikuhan kay Jolas Paguia sa huling naipanalong laro ng koponan kontra sa Emilio Aguinaldo College.
Pero tiwala naman si coach Richard Del Rosario sa tsansa ng koponan laban sa inaasahang babangon na Cardinals.