Hindi masama ang mangarap sa SEAG
MANILA, Philippines - Matapos tanghalin bilang overall champion noong 2005 sa 23rd Southeast Asian Games sa nahakot na 113 gold, 84 silver at 94 bronze medals, nahulog ang katayuan ng Team Philippines sa nasabing biennial event.
Nalaglag sa No. 5 ang bansa sa overall standings sa Laos SEA Games noong 2009 sa nasikwat na 38-35-51 gold-silver-bronze medals at nahulog sa No. 6 (41-91-96) sa Thailand noong 2007.
Sinabi kahapon ni Deputy Chef De Mission Julian Camacho ng wushu federation na may kakayahan ang Team Philippines na maging overall champion muli sa darating na 26th SEA Games sa Indonesia sa Nobyembre.
“Ang vision namin (Philippine Olympic Committee (POC) is to be the overall champion,” wika ni Camacho. “It is attainable if everybody will really work hard.”
Ayon pa kay Camacho, kung ang bawat NSAs na sasabak sa kabuuang 42 sports events sa 2011 SEA Games ay kukuha ng tig-dalawang gold medals ay makakakolekta ang bansa ng 80 gold medals.
Ang Thailand ang kumuha sa overall crown ng 2007 at 2009 SEA Games sa kanilang naibulsang 86-83-97 at 182-123-101 gold-silver-bronze medals, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, ilalabas naman bukas ng POC at ng Philippine Sports Commission (PSC) ang final list ng mga atletang lalahok sa 2011 SEA Games.
Humigit-kumulang sa 700 pangalan ng atleta ang isinumite ng kani-kanilang NSAs.
“Actually, naglabas na kami to all the NSAs that we will have the entry by names list on August 24,” sabi ni Camacho. “By Thursday we’ll meet with the cluster heads kung may idadagdag pa o babawasin. More or less makikita na natin kung ilang atleta ang ipapadala natin sa Indonesia.”
Ito ay isasama sa entry by name list na isusumite ng POC sa SEAG Organizing Committee sa Indonesia sa Setyembre 15.
Naglaan ang PSC ng P30 milyon para sa SEAG.
- Latest
- Trending