Baste, Navy humataw

MANILA, Philippines - Pinitas ng San Sebastian College ang kanilang unang panalo sa quarterfinal round matapos patumbahin ang Philippine Air Force, 25-19, 25-15, 25-15, sa Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.

Nagtumpok ng pinagsamang 26 kills sina Thai Jang Baulee at American Lauren Ford para sa ikalawang pa­na­naig ng Lady Stags sa Air­women matapos noong Hul­yo 31.

Bumangon ang Recoletos-based spikers sa 16-18 pagkakaiwan sa first set bago kunin ang sumunod na siyam sa 10 points laban sa Air Force.

“Palagi kaming nahihi­rapan sa simula pero ma­ganda naman ang inilaro ng mga players sa kabuuan ng laro,” sabi ni coach Roger Gorayeb sa kanyang Lady Stags.

Nagtala naman ng pi­nagsamang 26 hits sina Jill Gustilo, Rubie de Leon, Joy Benito at Janette Doria.

Sina Ford at Baulee ay may tig-13 kills para sa SSC, nasa isang five-game winning streak ngayon mula sa kampanya sa elimination round.

Sa ikalawang laro, muli na­mang binigo ng Philippine Navy ang Maynilad, 25-15, 25-23, 25-16, mula sa 13 at 12 hits nina Nene Bautista at Suzanne Roces, ayon sa pagkakasunod.

Show comments