MANILA, Philippines - Kung may pinakamalaking pagkakamali man na nagawa ang Tropang Texters, ito ay ang piliin ang Boosters na kanilang makalaban para sa championship series ng 2011 PBA Governors Cup.
Naglaro ng kulang sa intensidad, natalo ang paboritong Talk ‘N Text sa Petron, 83-98, noong Agosto 5 sa huling laro sa semifinal round kasabay ng pagkakatalsik ng Barangay Ginebra at Alaska.
“Masasabi ko na nang pinili nila kami, nagkamali sila ng pinagbigyan,” sabi ni rookie coach Ato Agustin, miyembro ng Grandslam champion team ng San Miguel noong 1989 at nagkampeon bilang mentor sa San Sebastian sa NCAA at Excelroof sa PBL.
“Akala nila porket undermanned kami kaya nila kaming talunin. Pero hindi siguro nila alam maganda ang match-up namin sa kanila dahil marami kaming defensive players na small guys,” dagdag pa ng 1992 PBA Most Valuable Player awardee.
Hindi nakalaro sina Jay Washington, 2011 PBA Rookie of the Year Rabeh Al-Hussaini, Lordy Tugade at Joseph Yeo dahil sa kanilang mga injury.
Huling nagkampeon ang Petron, sumabak sa kanilang pang 33rd finals appearance, noong 2009 Fiesta Conference mula sa pagbibida ni Best Import Gabe Freeman.
Winakasan ng Boosters, umentra sa kanilang pang 33rd finals appearance, ang kanilang best-of-seven titular showdown ng Tropang Texters sa 4-3 patungo sa pag-angkin sa kanilang pang 19th PBA championship.
Nabigo naman ang Talk ‘N Text, naglaro sa kanilang pang 11th finals stint tampok ang kanilang kampeonato sa 2003 All-Filipino Cup, 2008-2009 Philippine Cup, 2010-2011 Philippine at 2011 Commissioner’s Cup, na mapahanay sa mga Grandslam champions na Crispa (1976 at 1983), San Miguel (1989) at Alaska (1996).
“May mga nakausap rin akong mga dati kong teammates sa San Miguel na huwag daw akong pumayag na ma-duplicate ‘yung Grandslam feat namin dahil bihira lang mangyari ‘yon,” sabi ni Agustin, nakatambal ni Hector Calma sa naturang Grandslam squad ng Beermen.
Si Calma ay team manager ngayon ng Petron.
Nakuha ng Boosters ang 3-2 lamang sa kanilang serye matapos sikwatin ang 93-80 panalo sa Game Five bago nakatabla ang Tropang Texters sa 3-3 sa bisa ng kanilang 104-78 pagresbak sa Game Six para itakda ang kanilang ‘winner-take-all’ match sa game Seven.
“Sabi ko nga sa mga players ko sa dugout, kung pumupusta sila, ipusta na nila pati ‘yung bahay nila,” sabi ni Agustin, tubong Lubao, Pampanga, na naging isa sa walong coaches na nagkampeon bilang player at coach sa PBA matapos sina Fort Acuna, Robert Jaworski, Norman Black, Ely Capacio, Rino Salazar, Joel Banal at Siot Tanquingcen.
Sa huli, ang densa ng Petron sa Talk ‘N Text ang pinahalagahan ni Agustin sa Game Seven.
“We all concentrated on our defense. Kapag maganda ‘yung defense namin, gaganda rin ‘yung offense namin,” ani Agustin. “Gusto namin ng low scoring ballgame. Nakita namin nu’ng umiskor sila ng 100 plus natalo kami.”
Naging emosyunal naman si Agustin nang linawin ang naunang pahayag ni Reyes na siya ang kumuha sa una para sa Fuyi team sa PABL.
“Wala akong utang na loob sa kanya. Hindi siya ang kumuha sa akin sa team na iyon kundi si coach Turo (Valenzona),” ani Agustin kay Reyes. “Sinasabi pa niyang an unknown from Pampanga ako.”
“I never said I was the one who got him in Pampanga,” sabi naman ni Reyes. “I said as a team manager of Fuji, one of the players we signed to a P3,000 salary a month was an unknown from Pampanga.”