Winning streak ng Falcons tinagpas ng Tamaraws
MANILA, Philippines - Nagpakita ng tibay ang FEU sa mainit na pagbabalik ng Adamson upang wakasan ang winning streak ng kalaban sa kinuhang 62-61 panalo sa 74th UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
May 18 puntos at 10 rebounds si Aldrech Ramos habang naghati naman sa 28 puntos sina Terrence Romeo at Ryan Garcia para sa Tamaraws na pinalad din sa endgame nang makawala ang defensive rebound kay Austin Manyara may 1.3 segundo sa orasan para selyuhan ang panalo.
Biktima ng Falcons sa first round sa 59-78 iskor, nakitaan ng magandang depensa ang Tamaraws sa perimeter game ng kalaban habang ang pag-iinit ng tatlong kamador ang nakatulong upang makalayo sila sa 45-30 sa kaagahan ng ikatlong yugto.
Ngunit inunti-unti ng Falcons ang pagbabalik at ang tatlong sunod na free throws ni Eric Camson ay naglapit sa 56-60.
Masama ang pasa ni Alex Nuyles at ito ay naging lay-up para kay Garcia tungo sa 62-56 kalamangan pero may hirit pa ang Adamson nang nagpakawala ng tres si Lester Alvarez habang ang masamang pasa ni Romeo ay naging undergoal shot ni Nulyes para dumikit sa isa ang Falcons, 62-61, may 8.3 segundo.
Dalawang fouls ang kinailangan nilang ibigay para malagay sa penalty situation at tila nagbunga ang aksyon na ito dahil mintis ang unang buslo ni Bryan Cruz.
Sinadyang isablay ni Cruz ang ikalawa pero ang bola ay tumalbog papalayo kay Manyara para maubos ang oras.
May 17 puntos, 10 rebounds, 3 steals at 2 assists si Nuyles pero hindi maganda ang naipakita ng iba pang inaasahan sa koponan para lasapin ng Adamson ang ikatlong kabiguan sa 10 laro at mapadikit ang FEU sa isang laro sa kanilang 6-4 baraha.
Nagbigay naman ng numerong inaasahan sa kanila sina Bobby Ray Parks Jr. at Emmanuel Mbe upang tulungan ang National University na kunin ang 65-43 panalo sa UP sa naunang tagisan.
Isang beses lamang sumablay si Parks sa walong attempt sa 2-point field tungo sa 22 puntos bukod pa sa 7 rebounds, 4 assists at 1 block habang si Mbe ay naghatid ng 17 puntos at 13 rebounds at ang dalawang Bulldogs na ito ang naging sakit ng ulo ng Maroons sa kabuuan ng laro.
Ininda rin ng Maroons ang masamang opensa nang maisablay ang mga libreng lay-up at follow-ups upang maitala ng koponan ang pinakamababang puntos na naiskor ng isang koponan sa taong ito.
Sa tindi nga ng kamalasan ng UP ay anim at pitong puntos lamang ang kanilang ginawa sa unang dalawang quarter para katampukan ang paglasapo ng ikalimang sunod na kabiguan tungo sa nangungulelat na 2-8 baraha.
NU 65--Parks 22, Mbe 17, Terso 7, Javillonar 6, Khobuntin 4, Villamor 2, Celda 2, Alolino 2, Singh 2, Ignacio 1, Neypes 0.
UP 43--Romero 7, Montecastro 6, Maniego 6, Juruena 6, Gamboa 5, Mbah 4, Gingerich 3, Silungan 2, Manuel 2, Gomez 2, Wong 0, Fortu 0.
Quartrescores:17-6, 27-13, 48-26, 65-43.
FEU 62--Ramos 18, Romeo 14, Garcia 14, Tolomia 8, Escoto 4, Cruz 2, Exciminiano 2, Pogoy 0, Mendoza 0, Bringas 0, Knuttel 0.
Adamson 61--Nuyles 17, Camson 9, Alvarez 9, Lozada 8, Canada 7, Brondial 6, Cabrera 4, Manyara 1.
Quarterscores: 14-12, 30-24, 47-39, 62-61.
- Latest
- Trending