MANILA, Philippines - Binuksan ng Philippine Army ang quarterfinal round mula sa isang 25-20, 25-20, 26-24 panalo kontra Philippine Navy sa Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Nagpasabog sina Michelle Carolino at Rachel Ann Daquis ng pinagsamang 30 hits para pangunahan ang Lady Troopers, samantalang nagdagdag ng tig-9 points sina Mary Jean Balse at Joanne Buñag at 8 hits si Marietta Carolino na naglista ng 3 blocks.
Umiskor naman sina Suzanne Roces, Michelle Laborte at Nene Bautista ng pinag-isang 39 hits sa panig ng Lady Sailors at may pinagsamang 11 hits sina Cecile Cruzada, Rosemarie Prochina, Johanna Carpio at Zenaida Ybañez.
Samantala, inangkin naman ng Maynilad ang ikaanim at huling quarterfinals seat matapos talunin ang Perpetual Help, 25-16, 25-22, 25-17, sa kanilang playoff match.
Humataw si Joy Cases ng 11 hits para sa kanyang 12 points sa panig ng Water Dragons, habang nagdagdag ng 11 hits si Syvie Artates na nagtala rin ng 8 attacks laban sa Lady Altas.
Ito ang ikalawang panalo ng Maynilad sa Perpetual maapos magposte ng isang five-setter sa kanilang unang paghaharap noong Agosto 4.
Tinapos ni Nica Guliman ang panalo ng Maynilad laban sa Perpetual sa loob ng isang oras at 14 minuto sa pamamagitan ng kanyang kill.
Nag-abag sina Guliman at Beverly Boto ng 7 hits para sa Water Dragons, habang may pinagsamang 11 points sina setter Charisse Ancheta, Mervic Mangui, Melissa Mirasol at Margarita Pepito.