MANILA, Philippines - Pag-aagawan ng Maynilad at Perpetual Help ang pang anim at huling quarterfinals berth sa Shakey’s V-League Open Conference sa The Arena sa San Juan.
Nakatakda ang naturang playoff match ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang banggaan ng Philippine Army at Philippine Navy sa alas-4 sa pagsisimula ng quarterfinal round.
Nagtapos ang Water Dragons at ang Lady Altas na may 1-5 kartada sa elimination round.
Tinalo na ng Maynilad ang Perpetual mula sa isang five-setter win noong Agosto 4.
Naitakda ang nasabing playoff nang matalo ang Water Dragons sa Philippine Air Force, 23-25, 25-13, 22-25, 19-25, noong Huwebes, samantalang nakuha naman ng Lady Altas ang kanilang unang panalo nang igupo ang Lady Sailors, 25-20-, 25-23, 25-17.
Maliban sa Army at Navy, ang iba pang nasa quarterfinals ay ang San Sebastian College, Air Force at Ateneo De Manila University.
Nauna nang binigo ng Lady Troopers ang Lady Sailors via four-setter patungo sa kanilang four-game winning streak bago yumukod sa Lady Stags.
Muling ipaparada ng Army sina Rachel Ann Daquis, Mary Jean Balse, Joanne Buñag, Cristina Salak at ang mag-utol na sina Michelle at Marietta Carolino.