Aminado ang lahat na napakalaki ng diperensya ng lakas ng top two teams sa walong iba pang koponang naglalaban sa 87th season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament.
Matindi kasi ang defending champion San Beda Red Lions at San Sebastian Stags na kahapon ay nagharap para sa solo liderato sa pagtatapos ng first round ng eliminations. Pumasok sila sa laban nang kapwa may malinis na 8-0 record. Habang isinusulat ito’y hindi natin alam kung alin sa dalawa ang nanatiling walang bahid ng kabiguan ang record.
Pero kahit na sino sa kanila ang natalo, masasabing malamang na matatapos pa rin ito sa top two places. Ganoong kalakas ang Red Lions at Stags at parang silang dalawa lang talaga ang magkasukat.
Ganoon ang laban nila ngayon. Hindi tulad noong nakaraang season na dominante talaga ang San Beda dahil sa naglalaro pa ang Amerikanong sentrong si Sudan Daniel.
Si Daniel ay out for the rest of the season dahil nagtamo ng torn anterior cruciate ligament at kinailangang operahin ang tuhod. Magkaganito man, ay napakarami pa ring sentro ni coach Frankie Lim.
At nakabuti nga yata ang pagkawala ni Daniel dahil sa lumabas ang husay ng ibang big men na tulad nina Dave Marcelo, Jake Pascual at Kyle Pascual.
E, hindi lang naman sa big men malakas ang San Beda. Angat na angat din ang mga tulad nina Garvo Lanete, Rome dela Rosa at maging ang rookie na si Amer Baser.
Kumbaga’y nawalan lang ng kaunting kagat ang Red Lions pero matindi pa rin sila.
Bagamat bago ang coach ng San Sebastian na si Topex Robinson, kayang-kaya naman niyang dalhin ang team. Umaasa siya sa “Big Three” na sina Calvin Abueva, Ian Sangalang at Ronald Pascual. Pero halos ten-deep ang kanyang bench at marami din siyang pinakikinabangan.
So sigurado na ang dalawang ito na makakapasok sa Final Four.
Kahit siguro ang No. Three team na Letran College ay masasabing shoo-in para sa Final Four dahil sa matindi din ang line-up ni coach Louie Alas. Kahit ano ang nangyari sa laro nito kontra Jose Rizal Heavy Bombers kahapon ay may two-game lead ito sa fourth-best team.
So, ang pitong ibang teams ay naglalaban para sa iisang slot na lang. Ang ikaapat na puwesto. At ang makakakuha nito ay kailangang manalo nang dalawang beses kontra sa No. 1 team. Iyon ang premyo?!
Kung titingnang maigi ang team standings, makikitang ang mga teams na malapit sa No. 4 spot ay ang College of St. Benilde, guest team Lyceum of the Philippines University at Jose Rizal.
Sinasabing may outside chance din ang Emilio Aguinaldo College at Mapua Institute of Technology at Arellano University.
Para bang ang tanging koponang wala nang pag-asang makarating sa Final Four pagkatapos ng first round ay ang host na Perpetual Help Altas na iisang panalo lang ang naitala sa unang siyam na laro.
Sa totoo lang, hindi maganda para sa NCAA ang pangyayaring napakalaki nga ng diperensiya ng mga nasa itaas ng standings sa nasa ibaba.
Para bang nagiging predictable ang mga laro. At ito ang hindi dapat mangyari sa college basketball. Dapat ay exciting at unpredictable ang lahat ng games.
Kung layunin ng NCAA na magparami ng miyembro, dapat ay sinisiguro din nito na at least ay magkakasing-lakas ang mga teams at walang pinupulot sa kangkungan.
Sana, sa mga susunod na seasons ay maging palaban din ang iba!