MANILA, Philippines - Tinapos ng San Sebastian ang mahabang pamamayagpag ng nagdedepensang San Beda nang kunin ang 70-68 tagumpay sa pagtatapos kahapon ng 87th NCAA season first round elimination sa The Arena sa San Juan City.
Dikitan ang kabuuan ng labanan pero nailusot ni Calvin Abueva ang isang jumper na nagbigay ng dalawang puntos na kalamangan para sa Stags at kanilang naipreserba dala ng magandang depensa na kinakitaan ng dalawang kapos na birada nina Anjo Caram at David Marcelo.
Gaya ng dapat asahan, ang mga kamador ng Stags na sina Ronald Pascual at Calvin Abueva ang namuno sa larong sumukat sa kahandaan ng koponan na bawiin ang titulong hawak noong 85th season pero naisuko sa Lions noong nakaraang taon.
May 23 puntos, 7 rebounds, 2 steals at 2 blocks si Pascual habang 21 puntos, 8 rebounds 3 assists at 2 steals si Abueva para ibigay sa Stags ang 9-0 sweep at ipinalasap ang unang kabiguan sa siyam na laro at tumapos din sa 26-game winning run mula pa noong nagdaang season sa Lions.
Ibinigay ni Marcelo ang huling kalamangan sa koponan sa 63-62, pero gumanti ng tig-tatlong puntos sina Abueva at Pascual para kunin ang 68-65 bentahe.
Huling tabla sa laro ay sa nakumpletong three-point play ni Marcelo bago lumutang ang husay uli ni Abueva.
Samantala, tumibay pa ang kapit ng Letran sa ikatlong puwesto nang kunin ang ikapitong panalo sa siyam na laro sa pamamagitan ng 70-59 panalo laban sa Jose Rizal University sa unang laro.